Tinambangan at saka pinagbabaril ang isang babaeng election officer at kaniyang mister sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules ng umaga, Marso 26.
Base sa police report, kinilala ang mga biktima na si Atty. Maceda Abo, election officer ng naturang lugar, at mister nitong si Jojo Abo.
Ayon sa ulat, nakasakay sa kanilang sasakyan ang dalawang biktima at binabaybay ang Cotabato-Sharrif Aguak Road sa Barangay Makir nang sila'y tambangan at pagbabarilin na 'di pa nakikilalang mga salarin.
Sa inisyal na imbestigasyon, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 10 piraso ng fired catridge na pinaniniwalaang mula sa 5.56 caliber na baril.
Naglunsad ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para sa pagkakahuli at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Samantala, kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang naturang pagpatay sa election officer at asawa nito.