Naghayag kamakailan ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) na balak umano nilang magsagawa ng "zero remittance" o hindi pagpapadala ng kinitang pera sa pamilya sa Pilipinas bilang pagtutol sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
Pinakalma naman ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga OFW sa planong ito nang magsagawa ng press briefing ang Palasyo noong Martes, Marso 25.
“Mas gugustuhin po natin na maging mahinahon ang bawat Pilipino sa ganitong klaseng isyu. Sana po ay malaman din po nila na ang pamahalaan at ang gobyerno ay tumutupad lamang sa ating batas,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, bukod sa hindi ito makakabuti sa ekonomiya, maaapektuhan din nito ang pamilya ng mga OFW na gustong magsagawa ng isang linggong “zero remittance.”
MAKI-BALITA: Malacañang, nagsalita tungkol sa bantang 'zero remittance' ng OFWs dahil kay FPRRD
Pero magkano nga ba ang mawawala sa Pilipinas kada araw kung matutuloy ang binabalak na “no remittance week?”
Batay sa isang pananaliksik ni Professor David Michael San Juan, sa nakalipas na ilang dekada, tila bigo umano ang mga naunang administrasyon na gawing industriyalisado ang Pilipinas at imodernisa ang sektor ng agrikultura na makakatulong sana para lumikha ng sapat at nakakabuhay na trabaho sa loob ng bansa.
Kaya ang kabiguang ito ang nagluwal sa tinatawag na Labor Export Policy (LEP) na naglalayong makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino sa ibayong dagat.
Pinaniniwalaang nagsimula umano ang polisiyang ito sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. upang magsilbi bilang pansamantalang solusyon sa lumalagong bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Hanggang sa ipinagpatuloy pa ito ng mga sumunod kay dating Pangulong Marcos, Sr. Mula 36,035 noong 1975 lumobo hanggang 2.16 milyon ang tinatayang bilang ng mga OFW noong 2023 ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre 2024.
Kaya naman masasabing malaki ang kontribusyon ng remittances ng mga OFW sa pagpapalago ng ekonomiya sa nakalipas na mga taon dahil napupunta ito sa Gross National Product (GNP) at Gross National Income (GNI) ng Pilipinas.
Ayon sa paliwanag ni economic analyst Astro Del Castillo sa ulat ng GMA Balitambayan noong 2018, “Ang remittances ay nakakatulong para palakasin ang purchasing power ng mga pamilya ng mga OFW.”
“Ito rin ay nakakabigay-sigla sa ating ekonomiya dahil mas maraming pumapasok na pera sa ating bansa. Mas sumisigla ang piso versus the US dollar," dugtong pa niya.
Samakatuwid, ang perang ipinapadala ng mga OFW sa kanilang pamilya ay nagpapalaki umano sa domestikong pagkonsumo at nagpapataas sa value-added tax (VAT) ng gobyerno.
Base sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Pebrero 2025, umabot sa $38.34 bilyon ang cummulative remittances ng mga OFW sa bansa noong Disyembre 2024.
Ibig sabihin, hindi hamak na mas mataas ng 3.0% kumpara sa $37.21 bilyong naitala noong Disyembre 2023.
Kaya kung ang lead economist ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na si Emilio Neri Jr. ang tatanungin, talagang maaapektuhan umano ang ekonomiya sa planong “zero remittance day” ng mga OFW na tagasuporta ng dating pangulo.
“The impact could [allow the peso to] breach the ₱60 level immediately, or the BSP might have to postpone any [rate] cuts at all this year, maybe even have to hike later if we hit ₱61 or ₱62,” sabi ni Neri sa ulat ng Manila Bulletin.
Sa pananaw naman ni BPI strategist Marco Javier, “If we grow [remittances by] three percent to about $35.5 billion this year, it’s about $97.3 million a day that might be lost… It can be a bit substantial.”
Bukod sa punto-de-bistang ito ng mga ekonomista at negosyanteng tulad nina Javier at Neri, inilatag din ni Migrante International Secretary General Josie Pingkihan ang posisyon niya sa balak na ito ng mga OFW, partikular ang mga tagasuporta ni Duterte.
Para sa kaniya, hindi siya sang-ayon sa “zero remittance day” na ikakasa ng ilang OFW dahil isa umano itong political act na ginagamit upang iparating sa pamahalaan ang pangangailangang asikasuhin ang mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawang kumakayod sa ibang bansa.
“Ngayon, ‘yong balak nilang mag-zero remittance day para pauwiin si dating Presidente Duterte, kung titingnan po natin, parang insulto po ‘yan sa mga namatay noong kapanahunan niya,” pahayag ni Pingkihan sa programa nina Ted Failon at DJ Chacha noong Miyerkules, Marso 26.
MAKI-BALITA: 'Zero Remittance Day' ng OFWs, insulto sa mga biktima ng war on drugs —Migrante
Matatandaang Migrante International ang unang nagkasa ng “zero remittance day” noong 2008 bilang pag-alma sa pagpapataw ng mataas na bayarin sa mga OFW sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Samantala, nagbigay naman ng “mapagkumbaba at unsolicited na paalala” si dating senate president at Chief Presidential Legal Counsel ng kasalukuyang administrasyon na si Juan Ponce Enrile para sa tangkang “zero remittance day” ng mga OFW na tagasuporta ni Duterte.
MAKI-BALITA: Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'