Sinabi ni GMA news anchor Arnold Clavio na puro na lamang daw tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) ang ibinabalita sa mainstream at social media halos araw-araw, at natatabunan na ang iba pang mga isyu.
"Puro na lang tungkol sa pag-aresto ng dating Pangulong Duterte ang laman ng balita, mainstream at social media, halos araw-araw," mababasa sa Instagram post ni Igan, Lunes, Marso 24.
"Bring Home PRRD !!! Yan ang sigaw ng kanyang mga taga-suporta kahit nasa kamay na ng International Criminal Court ang kapalaran ng dating Pangulo."
"Baka puwede naman na isigaw nating lahat ay 'BRING BACK THE FUNDS.'"
Inisa-isa ng mamamahayag ang mga isyung dapat daw tutukan at huwag matabunan dahil sa pagkakaaresto ng ICC sa dating pangulo.
"As of December 19, 2024, ang PhilHealth ay nakapag-remit ng PHP 60 bilyon na labis na subsidiya sa national treasury . Patuloy na ito ay dinidinig sa Korte [Suprema]."
"> sabi ng Commission on Audit , ang Office of the Vice President ay gumastos ng P375 million ng confi funds;"
"> ang OVP ay iniulat na gumastos ng P125 milyon sa loob ng 11 araw noong 2022;"
"> ayon sa Commission on Audit (COA) , hindi nila mahanap ang nasa P73.3 million na confi funds ng OVP;"
"> ang mga confi funds ay nabigay umano kina Mary Grace Piatos at iba pang aliases;"
"> mga nakabitin na usapin sa 2025 National Budget / General [Appropriations] Act (GAA);"
"Pare-pareho lang kayo nagtatabunan ng mga isyu . Sa huli , dapat lahat ng mga opisyales ng gobyerno ay managot lalo na sa isyu ng paglustay sa kaban ng bayan ."
"Hindi kami nakakalimot !" aniya pa.