Hinamon ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo si Senadora Imee Marcos na ihabla nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at iba pang nagpaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Martes, Marso 25, sinabi ni Panelo na gawin ni Imee ang totoo at huwag nang magbalat-kayo.
“Ang dapat sa ‘yo [Imee] magsalita ka ng araw-araw, minu-minuto, at sumama ka…idemanda mo ‘yong mga nag-aresto ng ilegal,” saad ni Panelo.
Dagdag pa niya, “Idemanda mo si [Nicolas] Torre, idemanda mo ‘yang kapatid mo, isama mo na kung totoo ‘yang sinasabi mo. Hindi pupuwedeng palagi na lang tayong nagbabalat-kayo. Gawin mo ‘yong totoo.”
Matatandaang nanawagan ng urgent investigation noong Marso 17 si Sen. Imee para sa pagkaaresto kay Duterte.
Ngunit sa isang panayam sa parehong petsa ay iginiit ni Panelo na hindi na raw dapat pang magsagawa ng imbestigasyon dahil alam naman daw ng senadora na ilegal ang pagdakip sa dating pangulo.
MAKI-BALITA: Salvador Panelo kay Imee Marcos: 'Ano pa iimbestigahan mo?'