Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na bukas umano silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) para tugisin ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng pekeng balita.
Sa ulat ng ANC 24/7 noong Lunes, Marso 24, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na kahit ang mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa na pinagmumulan ng pekeng balita ay maaari nang managot sa tulong ng Interpol.
“Lalo pa’t ‘yong vlogger e US citizen. How can we enforce our law do’n sa citizen nila at hindi naman ‘yon ang umiiral na batas sa kanila? So, tinitingnan namin lahat,” saad ni Santiago.
Dagdag pa niya, “Nag-usap-usap na kami kung paano namin masawata itong mga fake news spreader, mga vloggers na nagbibigay ng fake news, saka ‘yong creators na makapag-create lang kahit hindi tama ‘yong ginagawa nila.”
Matatandaang bukod sa NBI, inihayag din ng Department of Justice (DOJ) ang planong magkasa ng mas malalim na imbestigasyon upang matumbok ang mastermind sa likod ng mga kumakalat na pekeng balita.
MAKI-BALITA: NBI, DOJ, balak tuntunin ang mastermind sa paglaganap ng fake news