Ibinunyag ni Atty. Princess Abante, na siyang tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, na kinakailangan ng bawat Manilenyo na magbayad ng tig-₱7,000 kada buwan sa loob ng 20 taon, upang mabayaran ang ₱17.8 bilyong utang na iniwanan ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa lungsod.
Ang rebelasyon ay ginawa ni Abante, na siya ring pinuno ng Manila Public Information Office (PIO), sa kaniyang pagdalo sa “MACHRA's Balitaan," ng Manila City Hall Reporters' Association na idinaos sa Harbour View Restaurant nitong Martes, Marso 25.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Abante na ginagawa ng administrasyong Lacuna ang lahat ng makakaya nito upang mabayaran ang naturang utang.
Ayon kay Abante, naglalaan ang city government ng tig-₱2 bilyon kada taon upang unti-unting mabayaran ang utang mula sa dalawang bangko.
Ipinaliwanag din naman ni Abante na noong isagawa ni Moreno ang pangungutang ay bise alkalde pa lamang si Lacuna, at ang papel niya rito ay bilang Presiding Officer lamang ng Manila City Council (MCC), na walang karapatang bumoto, maliban na lamang kung magkaroon ng tie sa botohan.
Sa halip, ipinatupad lamang ni Lacuna ang desisyon ng mga nakararaming konsehal, na nagdesisyong pahintulutan si Moreno na mangutang.
Ani Abante, noong panahong iyon, ang lungsod ay mayroong ₱25 bilyong credit line ngunit ito ay dapat sanang gamitin sa loob ng siyam na taon.
Gayunman, nagulat na lamang umano sila na ginastos ng nakaraang administrasyon ang ₱17.8 bilyong utang sa loob lamang ng dalawa at kalahating taon.
Nang ipagkaloob din umano ng MCC ang awtoridad kay Moreno upang mangutang noon ay wala silang alam na may plano pala itong tumakbo sa pagka-pangulo at ang pinanghawakan lamang nila ay ang paulit-ulit na deklarasyon nitong hindi niya iiwanan ang Maynila.
Sinabi pa ni Abante na sa kabila ng budgetary constraints na sanhi ng malaking utang na iniwan ni Moreno, ayaw na ni Lacuna na umutang pa at sa halip ay maayos na lamang na pinangangasiwaan ang pondo ng pamahalaang lungsod, upang makapagbayad ng utang at maisakatuparan ang mahahalagang programa para sa lungsod at mga residente nito.