Pinuna ni Senate President Chiz Escudero ang umano'y pangangalampag ni Vice President Sara Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa hindi umano pagtugon nito noong arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng media kay Escudero nitong Lunes, Marso 24, 2025, tahasan niyang iginiit na hindi umano niya maintindihan ang nais ipunto ni VP Sara.
"Alam mo, hindi ko rin maintindihan yung concern na yun ng ating Vice President. Maliban sa ito'y patuloy, pagpapatuloy ng tila mensahe na common sa kanila, na umaapila palagi sa sandatahang lakas, sa anumang level, anumang issue, anumang kaganapan," ani Escudero.
Iginiit din ni Escudero ang umano'y tila nais pag-awayin ang hanay ng AFP at Philippine National Police (PNP) mula sa naging pahayag ng Pangalawang Pangulo.
"Dahil hindi ko rin maunawaan kung ano yung apila niyang sinasabi kaugnay noon, na yung Presidential Security Command daw ay under ng AFP. Pero anong gusto niyang palabasin? Magbabangayan ang sundalo at ang pulis? Klaro, law enforcement operation yun na nag-assist lamang ang AFP at hindi pwedeng palagan naman na lumaban ang AFP sa kapulisan kaugnay sa law enforcement operation. Bakit ba natin pilit na pinag-aaway yung dalawa?" anang Senate President.
Matatandaang inihayag ni VP Sara sa Senate hearing noong Huwebes, Marso 22, 2025, na inorganisa ni reelectionist Senator Imee Marcos upang imbestigahan ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, na gusto umano niyang pagpaliwanagin ang AFP na wala raw ginawa matapos maaresto si dating Pangulong Duterte.
"Gusto ko na sumagot ang Armed Forces of the Philippines, kung bakit nila pinayagan na mangyari ito? Because under the law, the Presidential Security Command is in charge of the security of former presidents. So bakit nila hinayaan na mangyari ito sa isang dating Pangulo ng ating bayan?” ani VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, binalingan AFP sa pagkaaresto ni FPRRD: 'Bakit nila hinayaan?'
Dagdag pa ni Escudero: "Hindi dapat mangampi ang AFP kaninuman dapat tumayo sila sa likod ng chain of command at ng Saligang Batas sa ilalim ng commander-in-chief natin at hindi para sa kanila ang maglaro ng pulitika at pumabor sa isang kulay o kabilang kulay man."