Iginiit ni Atty. Evecar B. Cruz-Ferrer na ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nangangahulugang pagsuko ng Pilipinas sa soberanya nito sa ibang bansa.
Si Ferrer ay isang international law expert na nagtuturo sa Ateneo De Manila University ng Public International Law, International Humanitarian Law, Special Issues in International Law at iba pa.
Sa programa nina Ted Failon at DJ Chacha nitong Lunes, Marso 24, pinabulaanan ni Ferrer ang namamayaning paniniwala na isinuko umano ng Pilipinas ang soberanya nito sa mga dayuhan matapos dakpin ang dating pangulo.
“Kailangan natin munang maunawaan para maintindihan natin ang mga issues, hindi lang natin puwedeng tingnan ito sa larangan ng domestic law natin. Tingnan din natin ang international law at ang Pilipinas sa pangkalahatan,” saad ni Ferrer.
“Ang Pilipinas ay bansa at marami ring bansa sa mundo,” pagpapatuloy niya. “Tayo ay nababahagi sa tinatawag na international community of states. Ngayon, bawat bansa ay may karapatang pumasok sa mga kasunduan with other states. At ito ang ginawa ng bansa.”
Dagdag pa ng abogada, “Ang pagpasok sa tinatawag na ICC statue ay isang kasunduan. [...] Mayro’ng mga obligasyon na kasama ‘yong kasunduan na ‘yon. So, sa ICC kailangan din natin bilang isang bansa…na sundin ‘yong mga pinasok nating kasunduan with other states.”
Bukod dito, tinugon din ni Ferrer ang ilang nagsasabing wala na raw hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil kumalas na ito bilang member-state noong Marso 2018.
MAKI-BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Ayon sa kaniya, “‘Yong jurisdiction o ‘yong karapatan ng ICC [na] tingnan ‘yong mga insidente sa Pilipinas ay mayroong specific or particular na panahon. Noong tayo ay bahagi pa ng ICC—ito ay mula November 1, 2011 hanggang March 16, 2019—may karapatan pa ayon do’n sa kasunduan ng ICC na tumingin do’n sa mga insidenteng nangyari sa panahong ‘yon.
“At ito ang kadahilanang mayro’ng kaso silang tinitingnan laban kay dating Pangulong Duterte,” dugtong pa ni Ferrer.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng The Hague, Netherlands si Duterte at nakatakda ang kaniyang confirmation of charges sa darating na Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025