Tuluyan nang nagsampa ng demandang "copyright infringement" ang hip-hop artist na si "Omar Baliw" laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader at senatorial aspirant Pastor Apollo Quiboloy, Lunes, Marso 24.
Ayon sa ulat ng News5, kaugnay ito umano'y hindi awtorisadong paggamit ng pastor sa awiting “K&B” sa proclamation rally nito sa Pasig City kamakailan.
Matatandaang nauna nang pinalagan ng hip-hop artist ang nabanggit na paggamit daw sa kaniyang kanta nang hindi nagpapaalam sa kaniya.
"Di pa nakaupo, nagnakaw na agad. wala kameng kinalaman dito, pwede ba to ipa-barangay? hahaha. awit," aniya sa kaniyang Facebook post noong Pebrero 2025.
MAKI-BALITA: Rapper, sinita campaign jingle ni Quiboloy: 'Di pa nakaupo, nagnakaw na agad'
Kasama ni Omar ang kaniyang legal counsel nang magsampa siya ng kaso laban kay Quiboloy sa Pasig Hall of Justice.
"Gusto ko lang ano, maitama 'yong mga hindi tama," pahayag ni Omar sa panayam sa kaniya ng media.
Sa pagpapatuloy ng legal counsel ni Omar, kinumpirma nila ang pagsasampa ng kaso laban sa pastor matapos ang hindi awtorisadong pag-adapt at paggamit sa kantang orihinal na kinompose ni Omar.
Bago ang pagsasampa ng kaso ay nagpadala raw muna sila ng demand letter sa kampo ni Quiboloy, subalit wala raw silang natanggap na positive response, kaya nagresulta na ito ng legal remedy para sa isyu. Nagkaroon din umano ng virtual meeting sa dalawang kampo subalit matapos nito ay wala na raw silang narinig mula sa kampo ng senatorial aspirant.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Quiboloy tungkol dito.