Balanga, Bataan – Muling pinagtibay ni senatorial candidate Camille Villar ang kanyang pangako na suportahan ang mga kababaihan sa pagdiriwang ng Women’s Month sa Balanga, Bataan nitong Huwebes. Binibigyang-diin niya ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapatatag ng ekonomiya ng Pilipinas at nangakong itutulak ang mga batas na magpapalakas sa kanilang mga karapatan at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa lipunan.

Bilang pinakabatang kandidato sa Senado sa darating na halalan sa Mayo 2025, binigyang-diin ni Villar ang malaking ambag ng kababaihan sa pag-unlad ng bansa, ayon sa kanyang paniniwalang “women lift up economies.”
Sa paggunita ng Women’s Month, nagbigay rin siya ng pagpupugay sa kanyang lola, Nanay Curing, ina ng dating Senate President Manny Villar, na nagmula sa Orani, Bataan. Binigyang-diin niya ang hindi matatawarang kontribusyon ng kababaihan sa tahanan at sa trabaho, kinikilala ang kanilang maraming responsibilidad.
“Happy Women’s Month po sa lahat ng ating mga nagsisipagan at naggagandahang kababaihan ngayon dito — lahat ng nanay, lola, auntie, anak, maybahay na walangsawang nagtataguyod ng kani-kanilang pamilya. Ang araw na ito ay isang pagkakataon upang kilalanin ang mga nagawa, lakas, at kontribusyon ng mga kababaihan sa buong mundo,” ani Villar.
Muling pinagtibay ni Villar ang kanyang dedikasyon na bigyang-prayoridad ang kapakanan ng kababaihan, lalo na sa pagpapatupad ng mga batas at programa ng gobyerno.
“Sa akin pong trabaho sa Kongreso ay sinikap kong makapagpasa ng mga batas na susuporta at poprotekta sa kapakanan ng ating mga kababaihan,” dagdag niya.
Bilang kinatawan ng Las Piñas, isinulong ni Villar ang Pregnant Women Welfare Act at Equal Maternity Protection Act na naglalayong magbigay ng benepisyo sa mga buntis, partikular sa sektor ng impormal na ekonomiya. Isinulong din niya ang panukalang batas na nagbibigay ng libreng medikal at pagpapa-ospital para sa mahihirap na kababaihan.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya sa maternal at reproductive health, namahagi si Villar ng maternity kits sa mga kababaihan mula sa low-income households. Siya rin ang nagpasimuno ng Nanay Fair sa Las Piñas, isang programa na nagbibigay ng pagsasanay sa kabuhayan, financial coaching, at seminar para sa mga ina sa iba’t ibang barangay.
“Prinayoridad ko po ang pagsulong ng mga programang nagtataguyod ng kapakanan ng mga kababaihan, dahil naniniwala ako na kapag empowered po ang kababaihan, maayos po ang pamilya at nagtatagumpay po ang pamilya,” ani Villar.
Sa kanyang matibay na track record sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng kababaihan, patuloy na isusulong ni Villar ang mga batas at programang magpapalakas sa papel ng kababaihan sa pagbuo ng mas maunlad at makatarungang lipunan.