March 29, 2025

Home BALITA National

VP Sara, ibinahaging bibisita iba pa nilang pamilya sa Netherlands para sa kaarawan ni FPRRD

VP Sara, ibinahaging bibisita iba pa nilang pamilya sa Netherlands para sa kaarawan ni FPRRD
(Photo courtesy: Duterte family via MB)

Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na pupunta rin sa The Hague, Netherlands ang iba pa nilang mga miyembro ng pamilya para sa nalalapit na kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong “crimes against humanity.”

Sa panayam ng mga mamamahayag sa The Hague nitong Sabado, Marso 22, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni VP Sara na darating sa The Hague ang kaniyang inang si Elizabeth Zimmerman para sa kaarawan ni FPRRD sa Marso 28, 2025.

Bibisita rin daw sa dating pangulo ang common law wife nitong si Honeylet Avanceña at anak na si Kitty Duterte.

“Ang balita ko, darating si Honeylet and darating si Veronica. Hindi ko lang alam kung anong dates sila darating. Pero nagsabi sila, na darating sila,” ani VP Sara.

National

Sen. Robin, napatunayan pagiging ‘maginoo’ ni FPRRD nang bigyan siya ng ‘absolute pardon’

“Yung mother ko, darating. Siguro on the day of the birthday yata. Hindi ko lang sigurado pa. Hindi ko pa nakita yung kaniyang flight details.”

Dagdag ng bise presidente, plano rin ng kapatid niyang si Davao Rep. Paolo Duterte na bumisita sa The Hague, ngunit hindi pa raw nakukumpirma kung mayroon na itong visa o kung kailan ito bibisita.

Samantala, nagpasya raw si Davao City Mayor Sebastian Duterte na hindi na pumunta ng The Hague dahil sa darating na 2025 midterm elections, kung saan tumatakbo siya bilang vice mayor ng Davao City, na running mate ni FPRRD na kandidato bilang alkalde ng lungsod.

“Si Mayor Baste ay parang pagkakaintindi ko sa sinasabi niya pagkatapos na ng eleksyon kasi kailangan niyang asikasuhin yung campaign doon sa Davao City. Kasi siya na yung nagdadala ng mga konsehal,” ani VP Sara.

Inaasahang ipagdiriwang ni FPRRD ang kaniyang 80th birthday sa Marso 28 sa The Hague matapos siyang arestuhin sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 11 at dalhin sa detention center ng ICC dahil sa “crimes against humanity” kaugnay ng war on drugs ng kaniyang administrasyon.

Sa kabila naman ng pagkaditene sa The Hague, kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na kandidato pa rin sa pagka-alkalde ng Davao City dating pangulo sa susunod na eleksyon.