Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na hindi pa umano sakop ng election laws ang viral video ng politikong namimigay umano ng tig-₱500 sa Negros Oriental.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Comelec Chairman George Garcia, hindi pa maaaring ituring paglabag ang nasabing viral video hangga't hindi pa nagsisimula ang pag-arangkada ng kampanya para sa lokal na pamahalaan.
"Ang problema natin, kung ginawa po niya 'yan bago ang March 28, wala pong paglabag 'yan sapagkat hindi pa po siya covered nung election law, kung tutuusin. Sapagkat, maaari siya ay aspirant, pero hindi pa po siya kandidato. Again, kandidato pa lamang siya sa March 28," anang Comelec chairman.
Mapapanood sa viral video ang pamumudmod ng pera ng ilang mga lalaki kabilang ang nasabing kandidato mula sa isang entablado, habang nakasahod ang palad ng mga taong dumalo sa hindi pa umano tukoy na event.
Samantala, may pakiusap din ang Comelec para sa mga botante.
"Ang pakiusap natin sa mga botante, na kapag ang mga kumakandidato, incumbent man o hindi, ay ganiyan ang pinaggagawa—nasa kanila kung gusto nilang iboto ang ganiyang mga tao, na inaabuso ang kahirapan ng ilang mamamayan," ani Garcia.