Nanawagan si senatorial candidate Kiko Pangilinan sa publikong “lumaban nang patas” matapos umanong baklasin ang ilan sa kanilang mga poster sa Valenzuela City.
Sa isang X post nitong Sabado, Marso 22, ibinahagi ni Pangilinan ang isang post ng page na “Valenzuela for Kiko-Bam-Heidi” kung saan makikita ang ilang mga sinirang tarpaulin niya at ng kasamang si senatorial candidate Bam Aquino.
Kaugnay nito, hiniling ni Pangilinan na sana raw ay manatiling “patas at may respeto sa isa’t isa” ang bawat indibidwal sa kabila ng init ng kampanya.
“Nakapanghihinayang po ang bawat tarpaulin na sinisira. Hindi tulad ng ibang kandidato, limitado po ang aming pondo. Sinusulit natin ito upang mas mapalaganap ang ating adbokasiya—murang bilihin, sapat na pagkain, at solusyon sa gutom,” ani Pangilinan.
“Hindi natin kailangang magkasakitan para sa pulitika. Mas mainam na ipakita ang suporta sa pamamagitan ng masigasig na pagpapaliwanag at pakikibahagi sa talakayan, hindi sa paninira.
“Ang gutom, walang kulay. Ang solusyon, walang kulay. Sana ganoon din ang ating laban—maayos, mahinahon, at may respeto,” saad pa niya.
Matatandaan namang noong Biyernes, Marso 21, nang magtungo si Pangilinan sa Valenzuela at sinalubong siya nina Senador Win Gatchalian at Mayor Wes Gatchalian upang magpakita ng suporta sa kaniya.
MAKI-BALITA: Sen. Gatchalian, inendorso si Pangilinan: ‘Marami siyang maitutulong sa ating bansa!’
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.