Nakapiit na ngayon ang isang lalaking suspek sa kasong frustrated homicide, matapos na maaresto ng mga awtoridad habang umano'y nakikipag-transaksiyon ng ilegal na droga sa Tondo, Manila noong Miyerkules, Marso 19.
Kinilala ang suspek na si alyas 'Jarson,' 32, at residente ng Calamansi St. sa Tondo.
Lumilitaw sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1 (PS-1) na dakong alas-10:30 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Duhat St. sa Tondo.
Nauna rito, nagsasagawa umano ang mga awtoridad ng operasyon sa kanilang area of responsibility nang mamataan ang suspek habang ipinapakita sa kausap na lalaki ang ilang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet, na naglalaman umano ng hinihinalang shabu.
Napuna naman umano ng mga suspek ang presensiya ng mga pulis kaya't mabilis na nagpulasan ang mga ito.
Hinabol ng mga pulis ang mga suspek ngunit bumunot pa ito ng baril at tinangkang magpaputok sa direksiyon ng mga pulis.
Sa kabutihang palad, walang nasaktang pulis dahil nasa safety mode ang armas nito.
Gumanti naman ng putok ang mga pulis at kalaunan ay naaresto ang suspek, ngunit nakatakas ang kanyang ka-transaksiyon.
Narekober mula sa suspek ang isang .9mm Pietro Berreta na kargado ng 13 bala at 13 piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng suspected shabu, na tumitimbang ng tatlong gramo at may standard prive value na P20,400.
Ayon sa pulisya, bukod sa kasong frustrated homicide ay mahaharap na rin ang suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o illegal possession of firearms.