Inihayag ni reelectionist Senator Francis Tolentino na nananatili umanong siyang bukas kung sakaling muli siyang ikonsidera ni reelectionist Ronald dela Rosa para sa anumang legal advice, kasunod ng banta ng arrest warrant laban kay Sen. Bato mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa pagharap ni Tolentino sa press briefing ng Alyansa ng Bagong Pilipinas sa Trece Martires City, Cavite nitong Biyernes, Marso 21, 2025, inihayag ni Tolentino ang umano’y tila pagbabago ng isip ni Sen. Bato.
“Nabanggit ko ‘yan dalawang taon o tatlong taon ang nakaraan, pero may mga lumabas na statements last year na parang pinalitan ako ni Sen. Bato,” ani Tolentino.
Matatandaang umingay ang bali-balitang susunod na umano si Dela Rosa na arestuhin ng ICC, matapos ang matagumpay na pag-aresto nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong crime against humanity kaugnay ng madugo niyang kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
Saad pa ni Tolentino, magmula raw ng palitan siya ni Dela Rosa, hindi na raw ulit sila nagkausap nito.
“Ang kinuha niyang abogado ay si Harry Roque. Sa [gitna ng] pangyayari ngayon ay hindi pa rin kami nagkakausap kahit sa text ni Sen. Dela Rosa,” anang senador.
Dagdag pa niya, “Ngunit, kung siya ay kukuha ng personal kong legal advice ay nananatiling bukas po yung aking cellphone sa kanyang tawag.”
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, makikipagtulungan din sa Interpol 'pag nagbaba ang ICC ng warrant kay Sen. Bato
Paglilinaw pa niya, wala pa raw siyang natatanggap na tawag magmula nang pumutok ang isyu ng ICC kay Dela Rosa.
“Pero wala pa po akong natatanggap na tawag kahit na isang segundo simula nang nangyari ito,” saad ni Tolentino.
BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD