March 31, 2025

Home BALITA National

Gen. Torre, pinabulaanang nagkaroon ng ‘mass resignation’ sa pulisya matapos arestuhin si FPRRD

Gen. Torre, pinabulaanang nagkaroon ng ‘mass resignation’ sa pulisya matapos arestuhin si FPRRD
CIDG chief Nicholas dela Torre (Screenshot from livestream via MB)

Hindi nagkaroon ng “mass resignation” sa mga pulis kasunod ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa utos ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, Major General Nicholas dela Torre III.

Sa isinagawang pagdinig ng House tri-committee (tri-comm) hinggil sa pagpapakalat ng “fake news” nitong Biyernes, Marso 21, hiniling ni Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante Jr. kay Torre na linawin ang bulung-bulungan ng mass resignation ng mga pulis.

Ipinagkalat ang naturang “tsismis” ng ilang pro-Duterte social media personalities at influencers. 

Ayon kay Torre, na dumalo sa pagtatanong ng Kamara bilang isang resource person, walang katotohanan ang naturang usapin.

National

Batangas, niyanig ng magnitude 4.6 na lindol

"Well there's really nobody on record who filed their resignation sir, just because of the Duterte arrest," ani Torre kay Abante. 

"Wala pong nakatala ngayon sir," pag-uulit niya.

Tinulungan ng Philippine National Police (PNP) ang mga miyembro ng International Police (Interpol) na isilbi ang warrant of arrest ng ICC laban kay Duterte sa Maynila noong Marso 11. Ipinadala ang dating pangulo sa The Hague–ang lugar ng ICC–sa araw ding iyon.

Nanguna si Torre sa pag-aresto kay Duterte at sa kasunod na pagkarga sa kaniya sa loob ng Gulfstream G550 jet na nagdala sa rito sa The Hague, Netherlands.

Kasalukuyang gumugulong ang kaso ni Duterte para sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kaniyang madugong giyera kontra droga.

Ellson Quismorio