Nilinaw ni reelectionist Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na hindi pa umano siya umaalis ng Pilipinas at hindi rin umano siya nagtatago sa kabila ng banta ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa pamamagitan ng phone interview sa ilang mamamahayag noong Miyerkules, Marso 19, 2025, muling iginiit ng senador na nananatili pa rin daw siya sa bansa.
"Dito lang ako. Dito lang sa Pilipinas. Secret tayo. Bakit tayo [aalis] sa Pilipinas?" anang senador.
Matatandaang nauna nang nilinaw ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na maaari umanong sumunod si Sen. Bato at dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na maaresto ng ICC bunsod ng kanila umanong kaugnayan sa kontrobersyal na war on drugs ni dating Pangulong Duterte.
Muli rin iginiit ni Dela Rosa na hindi umano siya nagtatago.
"Hindi ako nagtatago. Nandito lang ako," ani Dela Rosa.
Samantala, kamakailan lang nang ihayag ng Palasyo na nakahanda rin umano silang makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung sakaling maglabas na ng arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa.
KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, makikipagtulungan din sa Interpol 'pag nagbaba ang ICC ng warrant kay Sen. Bato