Ibinahagi ni Senador Bong Go na 27 gamot daw ang iniinom ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa edad nitong 80 taong gulang.
Sa isinasagawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, na pinangungunahan ni Senador Imee Marcos, nitong Huwebes, Marso 20, sinabi ni Go na siya raw ang nagdadala ng mga gamot ni Duterte sa bahay nito linggo-linggo.
"Importante na masiguro ang kaniyang kalusugan dahil 80 years old na po ang dating pangulo pero mukhang hindi ito naisaalang-alang ng awtoridad dahil hindi siya pinayagang pumunta ng ospital ni hindi nadala ang kaniyang mga medisina," ani Go nang balikan niya ang pagkakataong hindi siya pinayagang makapasok sa Villamor Air Base kung saan dinala si Duterte nang maaresto ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Marso 11.
MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO
"Alam n'yo po ako ang nagpapadala ng medisina niya sa bahay niya linggo-linggo po 'yan dahil 'yan po ang pangako ko sa kaniya noon, bagama't hindi na siya nakikialam sa akin sa politika, pero sa kaniyang medikal ay 'yan ang pinangako ko sa kaniya na hindi ko siya pababayaan habambuhay," paglalahad pa niya
Ang pakiusap lang ng senador ngayon ay ibigay ang kinakailangang gamot ni Duterte habang ito ay nasa detention center ng International Criminal Court (ICC).
"27 po ang kaniyang gamot sana po ay ibigay rin ang kinakailangang gamot at medical attention sa kaniya habang nasa ibang bansa dahil karapatan naman po ito ng bawat tao, constitutional rights po natin 'yan."
Nabanggit din ni Go ang pagharap din ni Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber na kung saan tila nanghihina raw ito. Aniya, ganoon ang dating pangulo kapag hindi naibibigay ang saktong medisina na kailangan nito.
"Marami na pong karamdaman si Tatay Digong. Sino namang 80 years old na walang gamot na iniiinom at walang karamdaman. Ayan po ang kinatatakot ko sa ngayon, yong kaniyang kalusugan at kaniyang kaligtasan."
Matatandaang noong Marso 15, unang ibinahagi ni Go na hindi raw binibigyan ng gamot ang dating pangulo nang dalhin ito sa The Hague, Netherlands.
MAKI-BALITA: FPRRD, hindi raw binibigyan ng gamot habang nasa ICC—Sen. Go