Inulan ng samu’t saring diskusyon ang mga larawan ng umano’y mga biktima ng extrajudicial killing (EJK) sa ilalim ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos magkasa ng magkakaibang kilos-protesta ang iba’t ibang organisasyon tungkol sa panawagan nilang mapanagot si dating Pangulong Duterte, lumutang sa social media ang mga nagpakilalang kaaanak ng umano’y mga biktima.
Batay sa sa mga nagkalat na social media posts ng nasabing kaanak ng mga biktima, wala umanong kinalaman sa war on drugs ang pagkamatay ng kanilang kapamilya.
Dr. Winston Andutan
Isa sa mga matunog ngayon ay ang pangalan ng yumaong doktor na si Dr. Winston Andutan, matapos mariing pabulaanan ng kaniyang anak na si Dr. Lox Andutan na may kaugnayan umano ang pagkamatay ng kaniyang ama sa war on drugs.
Sa pamamagitan ng Facebook post noong Marso 15, nilinaw ni Dr. Lox na wala raw kaugnayan sa EJK ang pagpaslang sa kaniyang ama.
"I've received several messages from my friends because of this picture circulating online. I'm not sure why these people used my dad's picture, but he did not die from anything related to EJK. Wala pong connection to former President Duterte either," ani Dr. Lox.
Matatandaang noong Marso 14 din ng magsagawa ng kilos protesta ang ilang human rights organization sa harap ng Philippine General Hospital (PGH), kasama ang umano'y pamilya ng EJK victims, partikular na sa hanay ng mga doktor, bitbit ang kani-kanilang larawan. Kasama sa mga larawan ay ang ama ni Dr. Lox na si Dr. Winston.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang Health Alliance for Democracy (HEAD) noong Linggo, Marso 16, at nilinaw ang pagkakadawit ng mga larawang hindi umano biktima ng war on drugs.
"We explained that the doctors whose photos were included during the March 14, 2025 rally in Manila were killed because of the culture of impunity prevailing due to Duterte’s orders of Kill, kill, kill! They were not killed because of EJK related to the war on drugs but because of issues related to corruption which the doctors were allegedly exposing, red tagging, or other reasons. They were killed because there was no longer any regard for the value of life because of the prevailing culture of impunity during the Duterte administration," anang HEAD.
Humingi rin ng paumanhin ang HEAD sa pamilya ni Dr. Winston.
"We included the name of Dr Andutan in the rally because we thought their family appreciates our effort of raising the issue of his senseless murder in 2021. Dr Mei Andutan was with us in a forum last April 2023 when we talked about deaths of colleagues in the health sector due to the prevailing culture of impunity. We apologize for any misunderstanding this might have caused," saad ng HEAD.
Aldrin Tangonan
Inalmahan naman ng kapatid ng yumaong college student na si Aldrin Tangonan ang pagkakadawit ng larawan nito sa isang protesta sa Netherlands. Ayon sa nagpakilalang kapatid ni Aldrin na si LG Gonzales Benemerito, hindi raw sangkot sa ilegal na droga ang kaniyang kapatid at hindi rin ito napatay sa kasagsagan ng war on drugs.
Ayon kay LG, pinaslang umano ang kaniyang kapatid noong 2020 matapos umano itong pagselosan ng kasintahan ng kaniyang kaibigan.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang BAYAN Europe at inamin ang kanilang pagkakamali matapos madawit si Aldrin sa kanilang protesta hinggil sa hustisya para sa EJK victims.
“On March 14, during the mass mobilization at the International Criminal Court calling for Duterte’s accountability for his atrocities, we regrettably used a photo from an external source (Paalam.org), which was later clarified not to depict one of Duterte’s drug war victims. We take full responsibility for this mistake and acknowledge the gravity of the need for accuracy in representing the victims of state violence,” anang BAYAN Europe.
Horacio Castillo III
Usap-usapan din ang pagkalat ng mga larawan mula sa isang kilos-protesta tungkol pa rin sa hustisya para sa mga biktima ng EJK, kung saan nadawit rin ang larawan ng hazing victim na si Horacio Castillo III.
Matatandaang taong 2017 nang mapaulat ang pagkamatay ng law student na si Horacio dulot ng hazing ng Aegis Juris Fraternity.
Ryan Barbacena
Inuulan din ng kontrobersiya ang larawan ng yumaong si Ryan Barbacena matapos umanong dumalo ng kaniyang ina na ayon sa mga netizen ay si “Aling Shiela” sa pagtitipon ng mga pamilya ng EJK victims.
Napag-alamang bagama’t konektado umano sa ilegal na droga si Ryan, napaslang daw ito sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at hindi sa ilalim ng naturang kampanya ni dating Pangulong Duterte. Pinatotohanan din ng isang punerarya na nag-ayos noon sa burol ni Ryan, na noong Hunyo 2024 lamang daw nasawi ang biktima.
Al Moralde
Isang vlogger naman ang nagpakilala at nagsasabing nadawit din umano ang kaniyang larawan sa isa namang thanksgiving mass na isinagawa ng pamilya ng EJK victims matapos maaresto si dating Pangulong Duterte noong Marso 11.
Diretsahang tinawag ni Al Moralde na fake news umano ang nasabing larawan dahil buhay na buhay pa raw siya.
Samantala, kaugnay ng nasabing mga naratibo umano ng pamemeke EJK victims, naglabas naman ng pahayag ni Atty. Cristina Conti—isa sa mga assistant to counsel ng International Criminal Court (ICC), na mas lalo lang daw lalakas ang kaso laban kay dating Pangulong Duterte, bunsod ng pang-aatake ng umano’y mga tagasuporta ng pamilya Duterte sa mga biktima ng EJK.
"Congratulations sa mga DDS na nang-iisyu at nambu-bully ng mga biktima. Pinalakas nyo ang rason para-Hawakan ng ICC ang kaso imbes na ipaubaya sa domestic judicial system, dahil mas magiging patas, mapayapa, at mahinahon kung sa ibang bansa gagawin ang mga pagdinig," ani Conti.
Dagdag pa niya, "Hindi payagan ang interim release ni Rodrigo Duterte dahil banta sya at ang mga supporter nya sa kaligtasan ng mga biktima at abogado na tumitindig laban sa kanya. Katakot-takot na bullying at pagbabanta ang natatanggap ngayon ng mga nanay na naglakas loob humarap sa publiko."