Matapos maaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito, iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi kailangan ng madugong solusyon sa laban kontra ilegal na droga sa bansa.
Sinabi ito ni Marcos sa kaniyang talumpati sa ginanap na campaign rally ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Leyte noong Biyernes, Marso 14.
“Sa laban kontra droga at krimen, hindi po natin kailangan dumaan sa madugong solusyon. Wala po sa amin ang naniniwala na ang solusyon sa krimen at sa droga ay ang pumatay ng libo-libo na kapwa nating Pilipino. Hindi po tama yun,” giit ni Marcos.
“Ang tamang paraan para tiyakin ang kapayapaan at ang kaayusan ay sa pamamagitan ng maayos na batas at epektibong suporta sa ating kapulisan at sa ating mga local government,” dagdag niya.
Ayon pa sa pangulo, “hindi pananakot o paninigaw” ang kailangan para maging maunlad ang Pilipinas.
“Ang kailangan po natin para mag-unlad ay hindi pananakot o paninigaw. Ang kailangan po natin ay solusyon, hindi mga maiinit at maanghang na salita na wala namang katuturan, wala namang kabuluhan at walang kinalaman sa problema na hinaharap ninyong pang-araw-araw,” saad ni Marcos.
Matatandaang nito lamang ding Biyernes nang humarap si Duterte sa pre-trial hearing ng ICC Pre-Trial Chamber I sa pamamagitan ng video link para sa umano’y “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng war on drugs ng administrasyon nito.
Sa naturang pre-trial hearing ay itinakda ng ICC ang confirmation of charges hearing para kay Duterte sa Setyembre 23, 2025.
MAKI-BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025