Isang lalaking dati nang nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga ang patay nang tambangan at pagbabarilin umano ng 'di kilalang salarin sa Antipolo City nitong Huwebes, Marso 13.
Kinilala ang biktima sa alyas na 'Ariel,' 37, self-employed, at residente ng Brgy. San Jose, Antipolo City.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang pananambang sa Sitio Abuyod, sa Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nauna rito, lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima nang bigla na lang tambangan ng salarin at kaagad na pinaulanan ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis nang tumakas ang salarin, bitbit ang armas na ginamit sa pagpatay.
Sa imbestigasyon, nabatid na dati nang napiit ang biktima at nagsilbi ng sentensiya dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong taong 2021 at Presidential Decree 1602 naman noong 2024.
Masusi nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen para sa agaran nitong ikareresolba.