Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng dagdag-singil sa kuryente ngayong Marso.
Sa abiso ng Meralco nitong Martes, nabatid na magpapatupad sila ng taas sa singil ng kanilang household rate ng P0.2639 kada kWh, sanhi upang umabot na ito ng P12.2901 kada kWh ngayong Marso, mula sa dating P12.0262 kada kWh lamang noong Pebrero.
Nangangahulugan anila ito ng dagdag na P53 sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan; P79 sa mga tahanang nakakagamit ng 300 kWh; P106 sa mga nakakagamit ng 400 kWh at P132 sa mga nakagagamit ng 500 kwh kada buwan.
Ayon sa Meralco, ang pagtaas ng singil sa kuryente ay bunsod ng kawalan ng one-time downward adjustment sa reset fee, na katumbas ng P0.2264 kada kWh para sa Meralco customers, na ipinatupad noong Pebrero, alinsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Nakadagdag pa anila sa upward adjustment ang P0.1294 kada kWh na pagtaas sa transmission charge para sa residential customers, dulot ng mas mataas na ancillary service charges na natamo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“This month’s transmission charge also includes the second of three installments of February and March 2024 reserve market transactions for Luzon that ERC directed NGCP to collect,” dagdag pa ng Meralco.
Nabatid na ang charges ngayong Marso ay magre-reflect din sa P0.0351 kada kWh na increase sa Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) kasunod ng direktiba ng ERC na magpatupad ng bagong FIT-All na P0.1189 kada kWh simula ngayong buwano, mula sa dating rate na P0.0838 kada kWh.
Ang iba pa naman umanong charges ay kinabibilangan ng taxes na nakapagtala ng net increase na P0.0416 kada kWh.