April 11, 2025

Home BALITA National

VP Sara, humingi ng pasensya sa nangyari noong 2022 elections: ‘Nabudol ako’

VP Sara, humingi ng pasensya sa nangyari noong 2022 elections: ‘Nabudol ako’
Courtesy: VP Sara Duterte/FB (File photo)

Humingi ng pasensya si Vice President Sara Duterte sa kaniyang mga tagasuporta dahil nabudol daw sila ng nakasama niyang tumakbo noong 2022 national elections.

Sa ginanap na “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9, sinabi ni Duterte na may mga pagkakataong sinasabihan siya ng ilang mga Pinoy na nabudol umano sila dahil sa kaniya.

“Sabi niya, alam mo, ‘na-scam’ kami dahil sa iyo. Lalaki po… senior ba? So sabi ko na lang, ‘Pasensya na, sir. Pasensya na,’” kuwento ni Duterte.

Kaugnay nito, sinabi ng bise presidente na akala umano niyang ipatutupad nila kanilang platapormang “unity” at “continuity” noong tumakbo sila noong 2022.

National

Kitty Duterte, nag-celebrate ng 21st birthday kasama mga tagasuporta ni FPRRD

“Akala ko kasi, ito na naman tayo sa maling akala. Akala ko kasi, gusto niya ng mas magandang bayan, mas maayos na Pilipinas, kung ano yung pinagdaanan natin noon,” ani Duterte na hindi nagbabanggit ng pangalan.

“Kasi, ang plataporma namin noong tumakbo kami, unity at continuity. Nabudol ako,” dagdag niya.

Matapos humingi ng pasensya, binanggit ng bise na naniniwala siyang may rason ang lahat ng nangyayari. 

“Yun yung kailangan kong ihingi ng pasensya sa inyong lahat. Pero dahil sabi nga ni Pastor Quibuloy, dapat lang siguro mangyari ang mga nangyayari para makita natin. Kawawa lang siguro ang mga tao, ang bayan. Pero, if we talk about the divine, maybe there is a reason for what is happening,” saad ni Duterte.

Matatandaang tumakbo si Duterte noong 2022 elections sa ilalim ng “UniTeam” kung saan naging running mate niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kamakailan ay nakapalitan niya ng mga patutsada.

Kaugnay nito, sa naturang pagtitipon ay sinabi rin ng bise presidente na iniwanan na umano ng gobyerno ang kaniyang opisinang Office of the Vice President (OVP).

MAKI-BALITA: OVP, iniwanan na ng pamahalaan – VP Sara

Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa impeachment cases, kung saan noong Pebrero 5 nang ipasa ng House of Representatives sa Senado ang ikaapat ng impeachment complaint laban sa kaniyang matapos lumagda rito ang 215 kongresista.