Isang babaeng grade 1 student ang umano'y minolestiya sa loob ng banyo ng kanilang paaralan sa Tanza, Cavite.
Ayon sa ulat ng Frontline Tonight, mismong ang batang biktima umano ang nagturo ng hitsura ng suspek matapos siyang mahagip sa CCTV ng paaralan.
Nangyari umano ang pangmomolestya sa biktima nang mag-CR ang bata na nasa labas ng kanilang classroom. Ayon sa biktima, hindi niya raw maabot ang tabo na nakapatong sa mataas na bahagi ng banyo kung kaya't tinulungan daw siya ng suspek. Doon na nangyari ang panghihipo ng lalaki matapos umano nitong hawakan ang maseselang bahagi ng katawan ng bata.
Agad umanong nagsumbong ang biktima sa kanilang guro matapos ang insidente.
Samantala, nilinaw naman ng paaralan ng biktima na empleyado nila ang suspek na di umano'y maka-ilang beses na raw nambibiktima ng mga grade 1 at grade 3 students.
Bunsod nito, nagpatupad na raw ng buddy system ang paaralan para sa mga babaeng estudyante sa tuwing gagamit umano sila ng banyo. Hindi na rin umano hinahayaan ng mga guro ang kanilang estudyante na maghintay nang mag-isa habang wala pa ang kani-kanilang sundo.
Nagsampa na rin ng pormal na reklamo sa Women's and Children's Desk ang mga magulang ng biktima.