April 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

EXCLUSIVE: Si Beda Aspurias, isang patunay na ‘di hadlang edad para ipakitang ‘ang babae ay ‘di babae lang’

EXCLUSIVE: Si Beda Aspurias, isang patunay na ‘di hadlang edad para ipakitang ‘ang babae ay ‘di babae lang’
(Photo courtesy: Beda Aspurias)

Isang 55-anyos na lola mula sa Mangaldan, Pangasinan ang ginawang motibasyon ang kaniyang naging problema sa kalusugan upang pasukin ang mundo ng mountain climbing, kung saan nakaakyat na siya ng 145 mga bundok sa Pilipinas at ibang bansa mula nang simulan niya ang paglalakbay sa edad na 50 taong gulang.

Siya si Beda Aspurias—isang lola, single mom, at babae. Hindi babae lang.

Pag-turn around sa negatibong pangyayari sa buhay

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Aspurias na taong 2015, sa edad na 45, nang magsimula siyang magkaroon ng problema sa kalusugan. 

“Nagkaroon ako ng kahinaan ng paa. Halos hindi ko mailakad ang paa ko, ganun. Tapos nagpa-laboratory ako ang tataas ng aking lab test. Sabi ko nga yung cholesterol ko mataas, bad cholesterol, total cholesterol, good cholesterol, at saka yung triglyceride mataas din. 435 yung triglyceride ko. And then sa uric acid, ganoon din,” kuwento niya.

Human-Interest

CEO, college prof, at content creator pa, may anim na academic degrees!

Sa ilang taon niyang paggagamot, napagtanto raw niyang hindi dapat siya dumepende lang sa mga gamot, kundi dapat din niyang tulungan ang kaniyang sarili. 

Kaya naman, noong Enero 2020, sa edad na 50-anyos, ay na-inspire siya sa nakita niyang mountaineers at doon na siya naghanap sa Facebook ng maaaring niyang pasukan bilang joiner sa mountain climbing. Doon na nagsimula ang kaniyang paglalakbay, mula sa unang bundok na kaniyang naakyat—ang Mt. Ulap sa Benguet.

Natuwa naman daw si Aspurias sa unang beses niyang pamumundok hindi lang dahil sa mga komento ng kaniyang mga nakasama sa tour na nagsasabing malakas siya kahit na siya ang maituturing na pinakamatanda sa grupo, kundi dahil sa samahang kanilang nabuo rito.

“Sobrang happy… Ang maganda sa nakita ko sa pamumundok, yung iba mabibilis talaga, ero yung pagkikisama nandoon. Kahit hindi mo pa sila kilala, nandoon yung kuwentuhan, yung tawanan, yung sharing of foods. Ganon ang masayang naranasan ko sa bundok,” aniya.

Dahil dito, talagang napamahal na raw siya sa aktibidad ng pag-akyat ng bundok hanggang sa narating na nga niya ang 144 mga bundok sa Pilipinas, at isa sa ibang bansa–ang Mt. Jade sa Taiwan na pinakamataas niyang naakyat sa hanggang sa ngayon. 

Ibinahagi ni Aspurias na nito lamang Enero 2025 nang akyatin nila ng kaniyang kaibigan ang 3,952 metrong Mt. Jade. At dahil sa lamig na dulot nito, lalo na’t mayroon pang snow, talagang kakaiba raw ang karanasang hindi niya makakalimutan.

“Naku, super hirap din. My God! Halos sukong-suko na ako sa hirap… nag-negative 13 degrees kami noong kami na yung paakyat talaga. Sobrang lamig,” ani Aspurias.

“Sa totoo lang na-slide ako doon pero awa ng Diyos nakakapit ako doon sa chain. Muntik akong naging balita ng Taiwan. Kasi bangin na eh. Pero ang sarap makapa yung snow. Napaka-soft niya. Tapos talagang sobrang tuwang tuwa kami talaga kahit nang ginaw na ginaw na kami doon.  Yun ang napakasarap na experience namin sa Taiwan. Napunta kami sa tuktok, tapos nakababa rin kami na ligtas,” dagdag niya.

Pag-conquer sa bawat hamon bilang isang single mom

Taong 2013 nang pumanaw ang asawa ni Aspurias dahil sa sakit, at mula noon, siya na raw ang nagtaguyod sa kanilang dalawang anak.

Bilang single mom, inilahad niya na noong nag-aaral pa lamang ang dalawa niyang anak ay talagang todo kayod siya para mapagtapos ang mga ito. Pinasok daw niya ang direct selling habang nagtatrabaho bilang area manager ng Comprehensive Annuity Plans and Pension Corporation (CAP Pension).

“Lahat ng pwedeng pagkakitaan, pinapasok ko noon para lang kumita, makapagpaaral lang mga anak,” aniya. “Noong panahon na yun, kailangan kong mag-ipon, maghanapbuhay para sa apartment nila, school, allowance, books, gano'n, tuition fee, lahat-lahat.”

Sa ngayon ay 36-anyos at 33-anyos na ang kaniyang mga anak at may sari-sarili na rin silang mga pamilya. Tatlo raw ang anak ng kaniyang panganay habang dalawa naman ang anak ng kaniyang bunso.

Nang bumukod na ang kaniyang mga anak, doon na raw siya nagsimulang mag-isip kung ano pa ang ibang bagay na dapat niyang gawin sa buhay. Kaya naman ay masaya siyang nakilala ang mountain climbing.

“Parang bigla akong na-bored. Although meron naman akong pinapa-manage sa maliit na karinderya, parang yung mga ipon ko—kasi wala ako talagang yung pampalipas oras na kagaya ng iba na nakikipagsugal, nakikitsismis, iba ang topic. Ako hindi kasi gano'n. Kaya ang ginawa ko, yung naipon ko, ginamit ko sa ganito. Kaya yung kumbaga gumagastos man ako, hindi para lang maglustay, kundi para sa sarili ko rin yun,” saad ng 55-anyos na mountain climber.

Naging very supportive naman daw ang mga anak ni Aspurias sa kaniya. Kasabay ng suporta, walang sawa rin ang pagpapaalala ng mga ito sa kaniya na mag-ingat tuwing aakyat ng bundok.

Palagi rin daw siyang sinasabihan ng kaniyang ina na hindi madali ang kaniyang ginagawa, kaya’t dapat siyang magdoble-ingat.

“Si nanay ko ayaw na niya talaga. Kasi nakakatakot. ‘Lalo kapag nasa Mindanao ka,’ gumaganon siya. ‘Baka may ahas, may alam mo na mga kaibigan na ano.’ Kaya sabi ko ‘Okay naman.’ Kaya ang sinasabi, mag-ingat. Siyempre ako naman ingat na ingat,” saad niya.

Ibang klaseng ‘healing’ na dala ng mountain climbing

Ayon kay Aspurias, napakalaking tulong para sa kaniya ang pag-akyat ng mga bundok dahil napabuti nito ang kaniyang kalusugan. Ngunit higit pa roon, aniya, nakatulong ang mountain climbing sa kaniya upang magkaroon ng positibong pananaw sa buhay.

“Malaking tulong sa katawan ko yun. Hindi na ako yung tipong lagi sa laboratory, nawala na yung lagi akong hinihingal, ganoon. Tapos parang positive na ang tingin ko lahat. Lahat kakayanin basta ise-set mo lang yung utak mo na kaya mo. Kahit gustong-gusto mo nang sumuko, pero sasabihin mo sa sarili mo na kaya ko ito. Ayun, nakakaya ko naman awa ng Diyos. Kaya doon ako tuwang tuwa.

“Nabago lahat. Makikita mo yung nilikha ng Diyos, yung regalo niya sa atin na napakaganda. Kahit napakaliit na balat ng candy, basta basura binubulsa ko,” aniya.

Sa lahat ng kaniyang mga pinagdaanan mula sa pagkakaroon ng problema sa kalusugan hanggang sa pagiging 55-anyos na nakaakyat ng 145 bundok, nagbigay ng payo si Aspurias sa mga kapwa babae na kapareho ng kaniyang edad.

“Syempre itong time na ito nagme-menopause na tayo, siyempre nandoon ang may sakit, lagi sa ospital. Mag-isip tayo… Although hindi natin maiwasan yun, mas okay kung maghahanap tayo ng ibang lunas ‘di ba? Kahit may gamot ka, tulungan mo rin ang sarili mo. Mag-exercise ka tapos i-focus mo sa positive yung isip mo [...],” aniya.

“Kailangan nating maging positive… Ingatan natin ang sarili natin kung gusto pa rin nating lumakas. Lahat naman tayo may time limit dito. Pero kung gagawin natin yung tama, siguro marami pa rin tayong extension sa buhay.” 

Mensahe rin ng 55-anyos na “conqueror” ng 145 bundok sa kababaihan ngayong Women’s Month: “Ang isipin natin kung kaya niya, kaya ko rin. Kaya move tayo.”

“Ako si Beda Aspurias, hindi ako babae lang. Kakayanin natin ito. Laban lang.”