Para sa pinarangalang top taxpayer ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na si Kapuso Primetime King-game show host na si Dingdong Dantes, hindi lamang basta dapat magbayad ng maayos at tamang buwis kundi magmatyag din sa mga nakapuwesto kung paano ito ginagamit.
Aniya sa Instagram post noong Marso 5, hindi natatapos sa pagbabayad ang tungkulin kundi sa pagmamatyag o pagbabantay kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad ng taxpayers.
KAUGNAY NA BALITA: Maayos at tamang pagbabayad ng buwis, apela ni Dingdong Dantes
"Malapit na ang April 15—filing of taxes! Bilang mamamayan, siguraduhin nating maayos at tama ang pagbabayad ng buwis, dahil dito nanggagaling ang pondo para sa mga serbisyong pampubliko," aniya.
"Pero teka, hindi lang tayo pangbayad—pangbantay din!"
"Bilang taxpayers, tungkulin din natin na maging mapagmatyag at siguraduhing ang ating buwis ay nagagamit nang tama ng mga taong iniluklok natin sa pwesto at may pananagutan dito," aniya.