Upang mas maunawaan ang kalagayan ng mga nasa barangay, nakipagpulong si senatorial candidate Camille Villar sa iba’t ibang sangay ng Liga ng mga Barangay at mga lokal na opisyal sa Iloilo at Palawan noong Martes.

Sa kanyang talumpati sa convention ng Liga ng mga Barangay ng Cebu sa Iloilo Convention Center, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang kontribusyon ng mga lider ng barangay sa pagpapalapit ng mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng mahigit 42,000 barangay sa buong bansa, naipapahatid ng gobyerno ang mga pangunahing programa at serbisyo sa mga komunidad.
Idiniin din niya na ang bawat barangay ay may mahalagang papel sa paghahatid ng pangunahing serbisyong pangkalusugan at panlipunan, pati na rin sa pagpapatupad ng mga proyekto para sa ikauunlad ng mga lokal na pamayanan.
Dahil dito, nangako si Villar na ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa mga hakbang na magpapalakas sa mga barangay at magbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga manggagawa ng barangay.
Bilang isang dalawang-term na mambabatas, isinusulong ni Villar ang paglikha ng trabaho, pagpapaunlad ng negosyo, at pagkakaroon ng sariling pabahay para sa bawat Pilipino. Suportado rin niya ang mga inisyatibang nagpapabuti sa reproductive at maternal health, gayundin ang mga programang nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan.
“Noong pa man, isinusulong ko na—mga batas na magtataguyod ng kabuhayan, magbibigay ng trabaho, at magpapaabot ng pangarap na bahay para sa mga Pilipino. Ipagpapatuloy ko po yan,” ani Villar.
Sa kabila ng mga kritisismo, sinabi ni Villar na kapag nabigyan ng pagkakataong magsilbi sa Senado, ipagpapatuloy niya ang adbokasiya para sa isang episyente at epektibong serbisyo publiko, alinsunod sa “Sipag at Tiyaga” na siyang naging tatak ng pamilya Villar.
“Ako po ang magiging bagong boses ninyo sa Senado upang matugunan natin ang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ni Villar, na tumatakbo para sa Senado sa darating na 2025 midterm elections.
Mula Iloilo, nagtungo si Villar sa Capiz kung saan nagkaroon siya ng motorcade at personal na nakipagpulong sa mga alkalde sa Capiz Provincial Capitol.
Sa hapon, nagtungo naman siya sa Puerto Princesa, Palawan upang magsalita sa Liga ng mga Barangay ng Cavite sa kanilang convention.