Nagpaabot ng pasasalamat sina dating Senador Bam Aquino at dating Senador Kiko Pangilinan sa naging pag-endorso sa kanila ni dating Senador Franklin Drilon.
Matatandaang sa isinagawang press conference bago ang kanilang campaign rally sa Iloilo nitong Huwebes, Marso 6, itinaas ni Drilon ang kamay nina Aquino at Pangilinan, at ipinahayag ang kaniyang pag-endorso sa mga ito.
MAKI-BALITA: Franklin Drilon, inendorso sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino
Kaugnay nito, sa isang Facebook post ay binanggit ni Aquino na mula pa man daw noon ay ginagabayan na sila ni Drilon, kaya’t ipagpapatuloy daw nila ang kanilang nasimulan para sa mga Pilipino.
“Maraming salamat sa walang sawang pagtitiwala, former Senate President Franklin Drilon! Salamat sa paggabay sa amin mula noon, hanggang ngayon,” ani Aquino.
“Makakaasa kayo na ipagpapatuloy namin ni Sen. Kiko Pangilinan ang mga nasimulan natin hindi lang para sa Iloilo kundi para sa bayan,” dagdag niya.
Samantala, sa isa ring Facebook post ay nagpasalamat din si Pangilinan sa tiwala at suporta sa kanila ng dating Senate president.
“Madamo gid nga salamat, Sen. Franklin Drilon, sa buong pusong tiwala at suporta—at syempre, sa ating mga pinalanggang kasimanwa sa napakainit na pagmamahal!” saad ni Pangilinan.
Nitong Huwebes nang magsagawa ng campaign rally sina Aquino at Pangilinan sa Iloilo kung saan bukod kay Drilon ay nakasama nila sina dating Vice President Leni Robredo at Senador Risa Hontiveros.
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.