April 03, 2025

Home BALITA Eleksyon

Ex-VP Leni sa kanilang mga tagasuporta: ‘Naghiwalayan na yung iba, tayo magkakasama pa rin’

Ex-VP Leni sa kanilang mga tagasuporta: ‘Naghiwalayan na yung iba, tayo magkakasama pa rin’
Dating Vice President Leni Robredo (Photo courtesy: Kiko-Bam Volunteers 2025/FB screengrab)

Nakiisa si dating Vice President Leni Robredo sa kanilang mga tagasuporta sa pangangampanya sa Iloilo City para kina senatorial candidates Bam Aquino at Kiko Pangilinan, kung saan binigyang-diin niya ang patuloy raw nilang pagkakaisa para sa bansa.

Sa kaniyang mensahe sa campaign rally para kina Pangilinan at Aquino, binalikan ni Robredo ang naging campaign rally nila sa Iloilo noong 2022 elections, kung saan mahigit 40,000 katao raw ang nabilang ng mga pulis na dumalo doon, at “walang hakot.”

“Ang dahilan kung bakit nandiyan tayong lahat noong February 25, [2022]. Parehong dahilan kung bakit nandito kayo lahat ngayong gabi. Yung suportang binigay n’yo sa amin ni Senator Kiko noong 2022, hindi yun dahil sa amin ni Senator Kiko. Kasi kung dahil lang yun sa amin ni Senator Kiko, wala na sana kayo ngayon,” ani Robredo sa Kiko-Bam campaign rally sa Iloilo nitong Huwebes ng gabi, Marso 6.

“May kasabihan sa politika, kawawa talaga ang mga natatalo kasi nakakalimutan. Pero nakalimutan n’yo ba kami?” dagdag niya, bagay na maririnig naman sa mga dumalo sa rally ang sigawan ng “hindi.”

Eleksyon

Bam Aquino, nagpasalamat kay Doc Willie Ong sa pagsuporta sa kandidatura

“At alam n’yo kung bakit hindi n’yo kami nakalimutan? Dahil hindi lang naman kami ang ipinaglaban n’yo. Ang pinaglalaban n’yo noong 2022 [ay] ang ating bayan,” pagpapatuloy ng dating presidential candidate. 

Kinilala rin ni Robredo ang kanilang mga tagasuporta na kahit na-”brokenhearted” daw noong 2022 dahil hindi sila nagwagi sa eleksyon, patuloy pa rin daw na lumalaban para sa bansa.

“Kahit brokenhearted kayo, kahit umiyak kayo, wala kayong kadala-dala. Nandito pa rin kayo. Bakit ba hindi kayo nadadala? Dahil ang pinaglalaban natin hindi naman tao. Ang pinaglalaban natin ay yung kinabukasan ng mga Pilipino. Ang pinaglalaban natin ay ang minamahal nating bayan ng Pilipinas,” ani Robredo.

“Kaya kahit durog na durog, kahit ang daming luhang ibinuhos, basta para sa bayan, laban nang laban. Kapag bayan ang pinaglalaban, hindi tayo napapagod. At yun yung dahilan kung bakit tayo nagkakaisa pa din hanggang ngayon.”

“Naghiwalayan na yung iba, tayo magkakasama pa din,” ani, at saka dinugtungan ng, “Wala akong sinasabi kung sino naghiwalay ah.”

“Pero ‘diba ganon? Kapag yung pagmamahal nandiyan, kahit pa ulit-ulit nasasaktan, laban pa din, tumataya pa din. Kaya ngayon, laban pa din. Magkakasama pa din tayong lalaban dahil kinakailangan tayo ng ating bayan,” saad pa ni Robredo.

Kasalukuyang iniendorso ni Robredo ang dati niyang campaign manager na si Aquino at ang dati niyang running mate na si Pangilinan. 

Kasama rin ni Robredo sa pagsuporta kila Pangilinan at Aquino sa nangyaring rally sa Iloilo sina Senador Risa Hontiveros at dating Senador Franklin Drilon.

MAKI-BALITA: Franklin Drilon, inendorso sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino

Samantala, tumatakbo si Robredo bilang alkalde ng Naga City sa 2025 midterm elections na inaasahang isasagawa sa Mayo 12, 2025.

Inirerekomendang balita