April 02, 2025

Home BALITA

Camille Villar nangangakong ipaglalaban ang karapatan ng kababaihan sa Senado

Camille Villar nangangakong ipaglalaban ang karapatan ng kababaihan sa Senado

MANILA, Pilipinas — Nangako si Camille Villar na magiging tinig ng mga kababaihang Pilipino sa Senado, isinusulong ang mga polisiyang magbibigay proteksyon at kapangyarihan sa kanila sa pamamagitan ng komprehensibong batas.

Bilang dalawang terminong kinatawan ng nag-iisang distrito ng Las Piñas, nakapaghain na si Villar ng maraming panukalang batas na naglalayong pahusayin ang serbisyong pangkalusugan, panglipunan, at legal para sa kababaihan. Ngayon, hinahangad niyang maging senador upang higit pang mapalakas ang mga adbokasiyang ito sa pambansang antas.

“Ang mga kababaihan ay nasa puso ng pag-unlad ng ating bansa. Malaki ang respeto ko sa mga Pilipina anuman ang kanilang edad o pinagmulan. Naniniwala ako na ang pagtatanggol sa kanilang mga karapatan, pangangalaga sa kanilang kapakanan, at pagsulong ng kanilang kakayahan ay isa sa pinakamahalagang ambag na maaari kong gawin bilang isang lingkod-bayan,” ani Villar.

Kabilang sa mga panukalang batas na kanyang inihain ang House Bill No. 10697, o ang Pregnant Women Welfare Act, na naglalayong gawing institusyonal ang flexible work arrangements—kabilang ang work-from-home setup—para sa mga buntis at bagong panganak na ina hanggang isang taon matapos ang panganganak.

National

Mga solon, senador supalpal kay Rodriguez: 'Di malayong mabankarote mga Pilipino!'

Inihain din niya ang House Bill No. 10695, o ang Equal Maternity Protection Act, na naglalayong palawakin ang maternity benefits para sa mga manggagawang nasa impormal na sektor. Kabilang dito ang isang beses na direktang maternity cash benefit kada panganganak at PhilHealth coverage para sa mga babaeng hindi miyembro ng Social Security System (SSS).

Upang matugunan ang isyu ng maternal health at infant mortality, inihain ni Villar ang House Bill No. 10694, na nag-uutos sa pamamahagi ng maternity kits sa mga buntis na kababaihang may mababang kita. Bukod dito, isinusulong din niya ang House Bill No. 5684, na nagbabawal sa mga ospital, maternity clinics, at iba pang pasilidad pangkalusugan na tanggihan ang pagpasok o tulong sa mga buntis na nanganganak.

Bilang tugon sa mga kababaihang biktima ng karahasan, inakda rin ni Villar ang House Bill No. 5243, na nagbibigay ng libreng medikal at pagpapagamot sa mga indigent na kababaihang dumanas ng pang-aabuso. Dagdag pa rito, hinimok niya ang Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa dumaraming kaso ng pagkamatay ng mga ina sa panganganak at isulong ang mas epektibong programa at serbisyong pangkalusugan upang tugunan ang suliraning ito.

Ang kanyang malasakit sa kalusugan ng kababaihan ay umaabot din sa pagpapalaganap ng kaalaman at paggamot laban sa kanser. Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1023, hinimok ni Villar ang pamahalaan na palawakin ang mga programang pangmaagang pagtuklas ng breast cancer at gawing mas abot-kaya ang mga screening para sa kababaihan. Kasama rin sa panukala ang pagbuo ng isang espesyal na pondo upang matulungan ang mga pasyenteng may kanser, lalo na ang mga mahihirap.

“Tungkulin ng pamahalaan na tiyakin ang kapakanan ng bawat Pilipina. Isa ito sa aking magiging pangunahing adbokasiya sa Senado kung ako ay mabibigyan ng pagkakataong maglingkod,” aniya.

Bilang isang millennial leader, ipinahayag ni Villar ang kanyang hangaring maghain ng mga makabago at epektibong solusyon sa matagal nang kinakaharap na problema ng kababaihan.

“I want to be the voice of the Filipino women in the Senate. Bilang isang millennial leader, nais kong itulak ang mga makabagong solusyon para sa mga problemang patuloy na kinakaharap ng mga kababaihan,” dagdag pa niya.