Nasakote ng pulisya ang isang 36 taong gulang na lalaking nanggahasa umano ng menor de edad at estudyante sa isang Christian school.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Miyerkules, Marso 5, 2025, nangyari ang pang-aabuso ng suspek sa biktima sa paaralan kung saan dating nagtuturo ang kaniyang asawa. Dagdag naman ng pulisya, dalawang beses umanong nangyari ang panghahalay ng suspek noong Hunyo 30 at Agosto 11, 2024.
“May simbahan po kasi din doon po sa paaralang yun dahil Christian School po ito, meron din simbahan na kung saan yung akusado natin ay isang worship leader,” ani PCapt. Jenibeth Artista sa panayam ng media.
Lumalabas sa imbestigasyon na ipinatawag pa umano ng pamunuan ng eskwelahan ang suspek noong Setyembre 2024 matapos magsumbong ng biktima sa kanilang principal.
“Ayon po sa ating biktima, doon pa lang po sa patawag sa paaralan, ay umamin na po itong ating akusado,” saad pa ni Artista.
Napag-alamang nagtago ang suspek kasama ang kaniyang asawa sa Bulacan noong Oktubre 2024 matapos tuluyang magsampa ng reklamo ang biktima. Habang Pebrero 18, 2025 naman nang lumabas ang warrant laban sa suspek.
Depensa ng suspek, nagkaka-chat umano sila ng biktima na binigyan daw siya ng permisong may mangyari sa kanila.
Samantala, paglilinaw naman ng awtoridad, maituturing pa rin umanong rape ang ginawa ng suspek—may pahintulot man o wala, dahil umano sa pagiging menor de edad ng biktima.
“Pero alam din naman natin na sa sa batas natin, walang kakayanang magbigay ng consent o pahintulot ang isang menor de edad. So sa batas natin po na statutory rape whether pumayag man o hindi ay kasong panggagahasa padin ito dahil nga po sa batas natin pinoprotektahan po ang mga minor de edad,” ani Artista.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong two counts of statutory rape–four counts sexual assaults na may piyansang ₱720,000 at four counts of acts of lasciviousness na may piyansang ₱180,000– at walang rekomendasyon ng piyansa.