June 11, 2025

Home BALITA National

PCO Usec. Castro kay Harry Roque: ‘Hindi kami nagbebenta ng Pangulo!’

PCO Usec. Castro kay Harry Roque: ‘Hindi kami nagbebenta ng Pangulo!’
PCO Usec. Claire Castro at dating Presidential spokesperson Harry Roque (PCO/FB screengrab; MB file photo)

Sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang patutsada ni dating Presidential spokesperson Harry Roque na kahit gaano raw kagaling na "salesman" silang mga opisyal ng PCO, mahihirapan daw silang ibenta “kung hindi maganda ang produkto" nila.

Matatandaang kamakailan lamang, sinabi ni Roque na “good luck” daw kina Catro at newly appointed PCO secretary Jay Ruiz dahil mahirap aniya ang maging parang “salesman.”

“Aminado akong mahirap maging messenger ng administrasyon kasi para kang salesman eh. Kinakailangan ibenta mo yung presidente mo. Pero alam lahat ng salesman kahit gaano ka kagaling na salesman, kung hindi maganda ang produkto, mahihirapan kang ibenta,” ani Roque, na naging tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“So all I can say good luck sa mga bagong PCO officials na si Jay Ruiz at si Claire Castro,” dagdag niya.

National

Senate Impeachment Court, nag-isyu ng summon kay VP Sara

Sa isinagawa namang press briefing nitong Lunes, Marso 3, hiningian si Castro ng reaksyon sa nasabing pahayag ni Roque.

“Naniniwala po talaga kami na mahirap ibenta ang bulok o masamang produkto. Mahirap po talagang ibenta kapag ang binebenta mo ay kailangan mo pang linisin ang mga sinasabi. Mahirap ibenta ang mga tao na ang laging nababanggit ay ‘joke lamang ‘yan,’” giit ni Castro.

“Hindi po kami salesman dito. Kami po ay messenger. Ang salesman po kasi kailangan maganda ang bokadura mo. Kailangan ibenta kahit minsan ay hindi totoo yung mga sinasabi mo, para lang mabenta ang isang tao at isang produkto.”

Giit pa ng PCO undersecretary, hindi raw sila salesman dahil hindi sila nagbebenta ng pangulo o gobyerno, bagkus ay inilalahad lamang daw nila ang mga programa ng administrasyon para sa mga Pilipino.

“Sa amin po, messenger kami, hindi kami nagbebenta ng Pangulo o ng gobyerno. Pinapakita lamang at inilalahad namin kung ano ang maaaring makuha ng taumbayan sa ating gobyerno, kung anong pwedeng itulong ng ating gobyerno sa taumbayan. So hindi po kami salesman, kami po ay messenger,” saad ni Castro.

Habang sinusulat ito’y wala pa namang reaksyon si Roque sa naturang pahayag ni Castro.