June 10, 2025

Home BALITA National

PBBM, iginiit na ‘di pwedeng ‘i-fake’ pagpapasalamat ng mga Pinoy sa mga programa ng gov’t

PBBM, iginiit na ‘di pwedeng ‘i-fake’ pagpapasalamat ng mga Pinoy sa mga programa ng gov’t
Courtesy: Pangulong Bongbong Marcos/FB screengrab

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sa kabila ng paglipana ng “fake news,” hindi umano pwedeng pekien ng mga nagpapakalat nito ang testimonya raw ng mga Pilipino hinggil sa mga proyekto at programa ng pamahalaan.

Sa kaniyang vlog na inilabas nitong Linggo, Marso 2, nagpaalala si Marcos sa publiko tungkol sa mga maling impormasyon o tinatawag nilang “fake news” na naglilipana raw lalo na tuwing panahon ng kampanya.

“Kakambal ng kampanya ay ang mga intriga at batuhang putik na tinatawag na ‘fake news.’ Kaliwa’t kanan na rin ‘yan. Kaya dapat maingat tayong mga mamamayan,” ani Marcos.

“Sabi nga natin, ang bagong Pilipino ay marurunong kumilatis sa tama at maling impormasyon. Kaya ngayon, laganap na naman ang fake news at disinformation. Dapat extra ingat lang po tayo sa mga nababasa natin online.”

National

ALAMIN: DMW, may alok na trabaho sa mga gustong maging OFW

Sa kabila nito, inihayag ng pangulo ang kaniyang pagkatuwa tuwing nakakasalamuha raw niya ang kanilang mga tagasuporta sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

“Ang isa sa mga kinatutuwa ko sa mga rally na pinupuntahan namin ay nakikita ko mismo yung mga sumusuporta sa atin sa Alyansa. Sila ay tunay na mga tao, tunay na Pinoy. Hindi lang ito mga keyboard warrior o troll. Mga totoong tao po sila.”

MAKI-BALITA: PBBM, ibinidang ‘totoong tao’ supporters nila: ‘Hindi lang ito mga keyboard warrior o troll!’

Bukod dito, ani Marcos, masaya siyang naririnig ang mga pagpapasalamat daw ng mga Pinoy sa kanilang mga programa.

“Isa pang hindi nila pwedeng i-fake ay ang mga tunay na testimonya mismo ng ating mga kababayan tungkol sa mga proyekto at programa ng pamahalaan,” ani Marcos.

“Sa ating pag-iikot, nakakataba po ng puso na marinig ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan, ang kanilang tiwala sa serbisyo na ibinibigay natin. Nakikita natin ang ginhawa ng nararamdaman.”

“Kaya naman ay talagang kinakailangan na mas madali pa natin ipagpatuloy ang ating nasimulan,” dagdag niya.

Sa kabila ng fake news, anang pangulo, “kampanya man o hindi ay walang pipigil sa pagseserbisyo ng ating pamahalaan.”

“Lalo pang patitibayin ang nasimulan. Lalo pang paiigtingin ang pagpapaganda ng ating bayan. Dahil ang pinakamahalagang Alyansa na kailangang alagaan ay ang alyansa ng pamahalaan at ng taong bayan, na tumibay ang paniniwala ng Pilipino na mayroon silang aasahan at patatakbuhang pamahalaan, na maramdaman ng ating mga kababayan na kakampi nila ang gobyerno na iaangat sila at puproteksyon na. ‘Yan ang alyansa ng sambayanang Pilipino,” ani Marcos.