Inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang dismissal ng lahat ng law enforcers ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa viral video ng paghuli sa isang magsasaka sa Panglao, Bohol.
Sa isinagawang press briefing nitong Lunes, Marso 3, 2025, inanunsyo ng kalihim ang kanilang desisyon hinggil sa naturang insidente ng umano’y marahas na paghuli ng ilang LTO law enforcers sa isang magsasaka matapos siyang makitaan na may dalang kutsilyo.
KAUGNAY NA BALITA: Netizens, rumesbak sa viral video ng paghuli ng LTO enforcers sa isang magsasaka: 'Ang sahol!'
“I would like to announce on behalf of the Department of Transportation and in the Land Transportation Office, that we are, effective today, dismissing law enforcers involved in Panglao, Bohol. They are hereby dismissed immediately,” ani Dizon.
Matatandaang noong Sabado, Marso 1, nang ipag-utos ni Dizon ang agarang imbestigasyon sa nag-viral na video kasabay ng pansamantalang pagsuspinde sa law enforcers na sangkot sa naturang insidente.
KAUGNAY NA BALITA: DOTr Sec. Dizon, ipasususpinde sangkot na LTO enforcers sa viral video ng magsasaka
Samantala, kaugnay ng umano’y naging marahas na panghuhuli ng nasabing law enforcers, inihayag naman ni LTO Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang nakatakdang pagsailalim muli ng lahat ng LTO enforcers sa retraining kabilang na umano ang pagpapahalaga sa human rights at ligtas na road safety regulations.
KAUGNAY NA BALITA: LTO enforcers sasailalim umano sa 'retraining' matapos ang viral video sa Bohol