Naka-secure umano ng ₱206 milyong halaga ng kontrata mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2024 ang kompanya ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jaybee "Jay" Ruiz, ayon sa ulat.
Sa ulat ng Politiko nitong Lunes, Marso 3, base umano sa nakuha nilang "notice of award" na may petsang Oktubre 30, 2024, naka-secure umano ng ₱178.5 milyong kontrata ang Digital 8 Inc., sa pakikipagtulungan sa Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC), para sa production at television transmission ng lotto draws ng PCSO.
Bukod sa naturang halaga, naka-secure pa umano muli ng isa pang kontrata ang Digital 8 Inc. mula sa PCSO ng nagkakahalagang ₱27.5 milyon para sa production at placement ng digital promotional videos.
Gayunman, habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Ruiz para kumpirmahin o pabulaanan ang naturang ulat.
Samantala, sinabi ni PCO Usec. Claire Castro sa isang press briefing nitong Marso 3 na nasa proseso na si Ruiz ng pag-divest sa kaniyang mga negosyo matapos italaga bilang PCO chief.
"Ang batas naman po natin ay allowed po na mag-divest ng shares or interest sa anumang kompanyang pag-aari niya within 60 days from the time na siya ay nag-assume ng position," saad ni Castro.
Dagdag pa niya, "'Yan po ay parating na po at alam niya naman po 'yong batas. Lahat naman po ng gagawin natin dito ay naaayon sa batas."
Binigyang-diin din niya na kinakailangang mag-divest ni Ruiz upang maiwasan ang "conflict of interest."
"Kung mayroong conflict of interest na ngayon na siya ay na-appoint as secretary ng PCO, talagang dapat matanggal 'yong conflict of interest kaya kailangan niya pong mag-divest," ani Castro.
"Sa pagkakaalam ko ay in the process na po dahil pine-prepare na po niya ang kaniyang mga papers regarding [that],'' dagdag pa niya.
Matatandaang nanumpa bilang PCO chief si Ruiz noong Pebrero 24 at nangakong lalabanan ang "fake news."
Pinalitan niya si veteran broadcaster Cesar Chavez matapos magbitiw sa posisyon.
BASAHIN: Jay Ruiz, nanumpa na bilang PCO chief; nangakong lalabanan ang ‘fake news’