Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na dapat din umanong mabigyang-pansin ang presyo ng mga gulay sa merkado.
Sa pamamagitan ng press release noong Linggo, Marso 2, 2025, diretsahang binanggit ng House Speaker na hindi lang daw dapat ang presyo ng bigas ang pinagtutuunan ng pansin.
"Hindi lang bigas ang dapat nating tutukan—paano naman ang gulay? Araw-araw na pangangailangan ito ng bawat pamilyang Pilipino. Kailangan nating tiyakin na may sapat, abot-kaya, at masustansyang pagkain sa hapag-kainan ng bawat Pilipino," ani Romualdez.
Pinuna rin niya ang importasyon ng gulay sa bansa na direkta aniyang nakakaapekto sa mga magsasaka.
"Kailangan nating palakasin ang ating sariling ani. Kung puro imported na gulay ang ibabaha sa merkado, paano naman ang ating mga magsasaka? Ang solusyon ay hindi puro pag-aangkat, kundi pagpapalakas ng ating sariling produksyon," anang House Speaker.
Dagdag pa niya, "Kung mura ang bili sa magsasaka pero napakamahal pagdating sa palengke, may mali. Kailangang tiyakin natin na patas ang kita ng ating mga magsasaka habang abot-kaya ang presyo para sa mamimili."
Kinalampag din ng House Speaker ang National Price Coordinating Council (NPCC) at Department of Agriculture (DA).
"Hindi natin ito puwedeng iwanan sa merkado nang walang malinaw na plano. Mula sa pagtatanim hanggang sa bentahan sa palengke, dapat may tamang regulasyon," saad ni Romualdez.
Aniya, dapat umanong masiguro ang abot-kaya at masustansyang pagkain sa mga Pilipino.
"Sisiguraduhin nating may sapat, abot-kaya, at masustansyang pagkain sa bawat hapag-kainan," saad ng House Speaker.