"At bat eto? IPhone sana, tita..."
Humamig ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang isang rant post ng tita patungkol sa kaniyang pamangkin, na niregaluhan niya ng isang cellphone, subalit dinabugan daw siya dahil hindi yata nito ang bet ang brand.
May pamagat na "Dinabugan ako ng pamangkin ko kasi ayaw nya ng regalo ko," mababasa sa Facebook page na "Follow The Trend Movement" o FTTM ang post tungkol dito.
Kuwento ng anonymous sender, nag-birthday daw ang kaniyang paboritong niece kaya gamit ang kaniyang CC o credit card, niregaluhan niya ito ng 15k-worth Android cellphone na magagamit niya sa paaralan, komunikasyon, paggamit ng social media, at iba pa.
Noong una raw ay masaya pa raw ang pamangkin sa pagtanggap at pagbukas ng regalo, subalit nang makita na ito, tila nadismaya raw ang pamangkin.
Sana raw iPhone na lang dahil ganoon daw ang cellphone ng kaniyang mga kaibigan at kaklase.
Nasaktan daw ang tita sa sinabi ng pamangkin subalit hindi na lamang siya nagpahalata. Sinabihan na lang niya itong pagbutihin pa ang pag-aaral, at kapag matataas ang grades sa susunod na semestre, ay pagbibigyan niya ito.
"Sabi nya lang 'okay' tapos akala niya nakaalis na ko ng bahay nila pero nasa labas pa lang ako," aniya.
Maya-maya, narinig daw niyang sinabi ng pamangkin na "Corny naman nito, sana iPhone na lang eh" sabay dabog sa mesa.
"Pucha ako nga walang iphone at android lang na worth 10k," giit ng tita.
Giit pa ng tita, mine-message daw siya ng pamangkin subalit hindi niya binabasa dahil sa sama ng loob.
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens.
"Nako yan ang pinakaayaw ko. Kung binigyan mo ko nyan as a pamangkin, I will be very grateful. Ipapakita ko pang ginagamit ko sa mabuting paraan. Hindi ko sinisisi si sender pero sana bilang tita, naging normative man lang si sender by teaching her pamangkin what to do kapag nakakatanggap ng regalo na hindi niya ganun kagusto. Ganun talaga, we cannot expect our pamangkin and pinsan to be like us. Hindi naman tayo ang nagpalaki sa kanila."
"Huwag mo na bigyan kahit kelan"
"Pag ayaw, huwag pilitin. Sana binawi mo ung phone, pag ganyang choosy wag na bigyan ulet. Favorite pamangkin title, revoked!"
"Favorite niece mo pa rin ba sha?"
"Ganyan dito sa Pinas, social convention dictates na kapag naka iphone eh cool at elite ka. And the parents failed to correct that baluktot mindset."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 39k reactions, 5.8k shares, at 3.5k comments ang nabanggit na post.
---
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula umano sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.