Sa kanilang pagha-house-to-house campaign, nagbahagi si dating Senador Bam Aquino ng larawan kasama ang isang Pilipino na nakasuot ng tshirt na may nakaimprentang larawang nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte noong 2022 elections.
Ipinangako ni Aquino sa kaniyang X post nitong Linggo, Marso 2, na magiging kakampi siya ng lahat at wala raw siyang huhusgahan “sa kulay na pinapanigan.”
“Sa bawat hakbang ng laban na ito, tatay sa tatay, ama sa ama, asahan niyong magiging magkakampi tayo - walang maiiwan, walang huhusgahan sa kulay na pinapanigan, at walang hahadlang sa pagbibigay ng magandang buhay para sa ating mga pamilya,” ani Aquino sa kaniyang post.
“Kakayod, didiskarte, at magsisipag tayo para sa makabalik sa Senado at ipaglaban ang kinabukasan ng pamilyang Pilipino,” dagdag niya.
Matatandaang naging campaign manager si Aquino ni dating Vice President Leni Robredo nang tumakbo ito bilang pangulo ng bansa noong 2022 elections, kung saan nakatunggali ng kanilang hanay ang partido nina PBBM at VP Sara.
Samantala, kasalukuyang tumatakbo si Aquino sa pagkasenador kasama ang si dating Senador Kiko Pangilinan.
Kaugnay ng kanilang pagha-house-to-house campaign, kamakailan lamang ay sinabi ni Aquino na balak nilang ikutin ang buong Pilipinas upang “makausap at makaisang puso” raw nila ang mga Pilipino.
MAKI-BALITA: Bam Aquino, balak ikutin buong PH: ‘Para makaisang puso ang ating mga kababayan’
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.