Nais umanong isulong ni reelectionist Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang pagpapababa sa presyo ng mga movie ticket sa bansa.
Sa kasagsagan ng media conference sa Quezon City noong Sabado, Marso 1, 2025, iginiit niya ang nakatakda na umano nilang paggawa ng batas hinggil sa pagpapababa ng movie tickets na pumapalo na raw ng halos ₱1,000.
“Ngayon pa lang, gagawa kami ng batas para babaan ang bayad sa sinehan,” ani Revilla. Dagdag pa niya, “Nakikita natin sa mahina na ang isang libo para sa isang tao na kasama ang kaniyang pamilya para manood ng sine.”
Ikinumpara niya rin ang dating presyo ng mga sinehan sa presyo nito ngayon na tila hindi na raw abot kaya sa bulsa.
“Dati ang bayad sa sinehan ay ₱50, ₱100, ₱200? Ngayon yata ₱400 o ₱500? Kasi sinasabi nila kaya naman (magbayad) eh. Nakaka-afford. Eh paano naman yung hindi (nakaka-afford)?” saad ni Revilla.
Iginiit din ng senador na pawang mga mayayaman na lamang umano ang nakakapag-sine.
“Mayayaman na lang ang nakaka-experience ng sine unless hatiin nila na may sinehan na pangmayaman at sinehan para sa iba. Hindi naman pwedeng ganun. Aayusin natin ‘yan. We will make sure na hindi maabuso ang mga tao,” anang senador.