Nakapagtala ng mas matataas na kaso ng Foot, Hand and Mouth Disease (HFMD) ang Department of health (DOH), matapos itong pumalo ng 7,598 infections mula Enero 1 hanggang Pebrero 22, 2025.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Sabado, Marso 1, 2025, mas mataas ang kasalukuyang record ng ahensya ngayong 2025 kumpara sa niatala nila noong 2024 kung saan mayroonm lamang itong tinatayang 2,665 kaso sa kaparehong buwan.
Tinatayang 52% ng HFMD cases ay nagmula sa mga rehiyon ng Central Luzon, MIMAROPA, Metro Manila at Cordillera Autonomous Region (CAR).
Sa kabila nito, wala pang naitatalang kaso ng pagkamatay bunsod ng HFMD.
“Bihirang makamatay ang HFMD at kusa itong gagaling, pero madali itong kumalat. Tandaan na dapat 20 segundo ang paghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Umiwas muna sa ibang tao kung may sintomas,” ani DOH Secretary Teodoro Herbosa.
Samantala, ayon pa sa DOH, tinatayang pawang mga batang nasa edad 4 na taong gulang pababa ang karaniwang tinatamaan ng naturang sakit kung saan katumbas nito ang 56% o 4,225 kaso nito sa bansa. Habang 2,069 kaso naman ay mga batang nasa edad 5 hanggang 9 na taong gulang.