Trending sa social media platform na X si Unkabogable Star Vice Ganda dahil sa isang episode ng "Showtime Sexy Babe" ng noontime show na "It's Showtime" matapos sabihin ng isa sa mga contestant na wala siyang ideya o alam tungkol sa Commission on Elections (Comelec).

Bahagi ng weekly finals na umere noong Biyernes, Pebrero 28, ang "Question and Answer" portion kung saan natanong ang Sexy Babe contestant na si Heart Aquino kung ano ang mensahe niya sa Comelec, lalo' malapit na ang National and Local Elections (NLE).
“Sorry po, hindi po ako masyadong knowledgeable about sa Comelec,” sagot ng contestant.
Nang uriratin naman siya kung ilang taon na ba siya, sinagot ni Heart na siya ay 20-anyos.
Hindi naman napigilan ni Vice Ganda na madismaya sa narinig, kaya napa-"Oh my gosh, that's bothersome" siya.
Sa pagkakataong ito, nauntag siya ng isa pang Showtime host na si Kim Chiu kung nakakaboto na ba siya. Sagot ng contestant, hindi pa raw.
“So paano, wala kang sagot?” hirit pa ni Vice Ganda.
“Ano ba? Hindi po masasagot ito ngayon…” tugon ng contestant.
Natanong naman siya ng hosts kung hindi pa raw niya narinig ang Comelec sa telebisyon, o kaya naman ay sa diyaryo, internet o social media.
“Wala po kaming TV. Hindi po rin masyadong lumilitaw sa Facebook,” pag-amin ng contestant.
“So sinong may kasalanang hindi ka informed?” singit pa ni Vice, na halatang tila dismayado sa kaniyang narinig.
“Ako po,” tila natatawang saad ng contestant.
Ipinaliwanag naman ng isa pang host na si Jhong Hilario na ang Comelec ang nag-aayos patungkol sa eleksyon o pagboto ng mga kumakandidato sa iba't ibang posisyon sa pamahalaan.
“Sila ang may kinalaman sa lahat ng kaganapan tungkol sa eleksyon sa Pilipinas,” sundot pa ni Vice.
Sa pagkakataong ito, sumagot na ang contestant.
“Siguro yung message ko po sa kanila: Let's be fair po dahil po meron tayong mga, kahit barangay lang ‘yan, yung mga bayad. Bayad-bayad ng votes. So let's be fair po siguro, dahil deserve natin yung uupo na talagang merong maibibigay sa atin, na meron talagang–lahat tayo sa community–na mapakikinabangan. At hindi ganern. Yun po, thank you po.”
MAKI-BALITA: 20-anyos na 'It's Showtime Sexy Babe' contestant, ‘di alam ang Comelec; usap-usapan
TRENDING SA X
Hanggang Sabado at sa unang araw ng Marso ay patuloy na usap-usapan ang nangyari sa noontime show, at dahil dito nga, nasa trending list si Vice Ganda.
Hati ang opinyon at saloobin ng mga netizen tungkol dito. Marami ang tila na-bother rin sa contestant, kagaya raw ng pagka-bother na ipinakita ni Vice Ganda.
20-anyos na raw kasi ang contestant, at sa Pilipinas, 18-anyos ay puwede nang makaboto at mapraktis ang rights of suffrage.
Nagsanga-sanga na tuloy ang paksa at maraming mga nagsabing patunay raw ito na may "education crisis" sa Pilipinas, lalo na sa tinatawag na "voter's education."
May ilan namang nagsabing given na hindi alam ng contestant ang Comelec, may ibang paraan pa raw sana para mas ma-educate nang tama at wasto si Heart, nang hindi nakasasakit ng damdamin. Lalo na, nasa national TV pa naman daw ito, at live pa.
ANO NGA BA ANG COMELEC?
Kung bibisitahin ang website ng Comelec, nakasaad na ang ganito: "The COMELEC is the principal government agency tasked by the Constitution to enforce and administer all laws and regulations concerning the conduct of regular and special elections."
"It is a body that is designed to be constitutionally independent from the executive, legislative and judicial branches of government to ensure the conduct of free, fair and honest elections," dagdag pa.
"As an added measure, the constitution also grants fiscal autonomy to enable the COMELEC to operate effectively, efficiently and free from political interference."
"The constitution mandates that 'funds certified by the Commission as necessary to defray the expenses for holding regular and special elections, plebiscites, initiatives, referenda, and recalls, will be provided in the regular or special appropriations and, once approved, will be released automatically upon certification by the Chairman of the Commission,'" nakasaad pa rito.
Sa Artikulo V naman ng Saligang Batas 1987 ng Pilipinas, nakasaad ang karapatan ng lahat ng mga Pilipino na makaboto sa eleksyon.
"Suffrage may be exercised by all citizens of the Philippines not otherwise disqualified by law, who are at least eighteen years of age, and who shall have resided in the Philippines for at least one year, and in the place wherein they propose to vote, for at least six months immediately preceding the election. No literacy, property, or other substantive requirement shall be imposed on the exercise of suffrage," mababasa rito.
At bago makaboto, kinakailangan munang dumaan sa tamang pagpoproseso at pagpaparehistro sa Comelec.