April 03, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Diwata, nag-sorry matapos kondenahin ng NCIP-CAR

Diwata, nag-sorry matapos kondenahin ng NCIP-CAR
Photo courtesy: Diwata PARES OVerLoad Updates (FB)

Humingi ng tawad ang social media personality, negosyante, at Vendors partylist 4th nominee na si Deo "Diwata" Balbuena matapos siyang kondenahin ng National Commission on Indigenous Peoples ng Cordillera Autonomous Region (NCIP-CAR) dahil sa kaniyang "demeaning gestures" habang nakasuot ng tradisyonal na kasuotan ng mga Igorot, na mapapanood sa kaniyang vlog.

Nilinaw ng NCIP-CAR sa kanilang Facebook post na hindi miyembro ng kahit na anumang indigenous peoples si Diwata, kaya marami sa mga netizen na IPs ang nagalit sa kaniyang ginawa.

Agad namang naglabas ng public apology si Diwata na mababasa sa kaniyang Facebook page na "Diwata PARES OVerLoad Updates," Biyernes, Pebrero 28.

Mababasa, published as is, "Ako po ay lubos at taos-pusong humihingi ng paumanhin sa mga Indigenous Cultural Communities (ICC) ng Cordillera, sa mga taga Benguet lalot higit sa mga taga La Trinidad at Baguio, at sa lahat ng nasaktan at na-offend sa aking ginawa. Ngayon ko lubos na naunawaan na ang aking kilos—ang pagsuot ng tradisyunal na kasuotan sa isang hindi angkop na paraan at ang pagtawag dito bilang isang "costume"—ay isang malaking pagkakamali."

Tsika at Intriga

Si Kathryn daw ba? Taga-pic ni Mayor Mark sa 'reserving my peace' na bakasyon, hinuhulaan

"Hindi ko po intensyon na bastusin o maliitin ang mayamang kultura ng mga taga-Cordillera, ngunit naiintindihan ko na higit na nakapagbigay ng madaming hinanakit ang aking ginawa kaysa sa aking gustong gawin na magpasaya lamang."

"Inaako ko ang aking pagkakamali at ang sakit at galit na idinulot nito. Nagpadala ako sa aking pusong bata dahil sobrang saya ko nang makarating ako -for the first time sa Baguio. Magsilbi po sanang akong paalala sa lahat na ang kultura, tradisyon, at pagkakakilanlan nating mga Pilipino at maging sa ibang lahi ay dapat bigyan ng mataas na respeto, at nabigo akong gawin iyon."

"Bilang pagwawasto, ako po ay magsisikap na mas maunawaan at pag-aralan ang kultura ng mga komunidad na aking ipinapakita sa aking contents. Makikinig ako sa mga payo at hatol ng ICC at titiyakin na sa susunod, ang aking plataporma ay magiging daan upang ipalaganap ang pag-galang at tamang pagpapahalaga sa kultura."

"Muli, ako po ay taos-pusong humihingi ng tawad. Umaasa akong sa pamamagitan ng aking mga kilos at tunay na pagbabago, makamit ko po sana ang inyong kapatawaran at hindi maging una’t huli ang aking naging paglalakbay sa magandang lungsod ng Baguio at Bayan ng La Trinidad. ."