Iginiit ng reelectionist na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na kinakailangan pa rin umanong magkaroon ng mahahalal na “Bisaya” para sa Senado sa 2025 midterm elections.
Sa isang pagtitipon ng mga konsehal sa Cebu na inulat ng Manila Bulletin nitong Biyernes, Pebrero 28, nanawagan si Dela Rosa ng suporta para sa kaniya at mga kapwa raw niya Bisaya na kumakandidato ngayong eleksyon.
“Gusto niyo ba na walang manalong Bisaya? Siguraduhin natin na may representative tayo doon. Hindi pwede na sila-sila lang,” giit ng senador na nagmula Davao.
Samantala, muli ipinanawagan ni Dela Rosa sa mga lokal na pamahalaan na gumawa ng mga paraan upang labanan daw ang ilegal na droga sa bansa.
“Mga leaders naman tayo sa ating mga komunidad, kausapin n’yo yung ating mga kababayan, 'Kayo, bantayan ninyo ang inyong mga anak na huwag gumamit ng droga.' Kausapin ninyo,” aniya.
"Dito tayo sa side ng prevention, prevention is better than cure, ‘di ba? We have to prevent them from indulging in drugs.”
Tumatakbo si Dela Rosa bilang reelectionist sa Senado sa ilalim ng Duterte-wing party ng PDP-Laban.