Patay na nang matagpuan ang dalawang Russian divers na nag-scuba diving sa bahagi ng Pulang Bato sa Verde Island, Batangas City.
Ayon sa ulat ng Unang Balita ng GMA Network,apat na divers umano ang magkakasamang lumusong sa dagat, ngunit dalawa na lamang sa kanila ang nagawang makaahon nang buhay bunsod ng paglakas ng alon.
Hinihinalang nagkaproblema umano ang diving equipment ng isang nasawing biktima na posible umanong dahilan upang hindi na ito makaahon pa.
Samantala, tinatayang inabot naman ng isang oras bago pa tuluyang mahanap ang isa pang dayuhang diver na ‘di umano’y inatake raw ng pating, dahil ayon sa rescuers, natagpuan nila ang bangkay ng biktima na wala na umano ang kanang kamay.
“May mga pating din na inikutan siya. So, nakitang ano doon, possibility naputol yung kamay kasi nagkaroon ng shark attack,” ani Captain Airland Lapitan, Station Commander ng Philippine Coast Guard-Batangas.
Patuloy pa rin umano ang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na sanhi ng insidente.