March 01, 2025

Home BALITA National

90% ng mga Pinoy, iboboto kandidatong magsusulong ng agri & food security, health care – SWS

90% ng mga Pinoy, iboboto kandidatong magsusulong ng agri & food security, health care – SWS
MB file photo

Mayorya sa mga Pilipino ang boboto ng mga kandidato sa 2025 midterm elections na magsusulong ng agrikultura, food security, at health care system, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Base sa survey ng SWS na inilabas nitong Biyernes, Pebrero 28, 90% ng mga Pinoy ang nagsabing boboto sila ng isang kandidatong may adbokasiya para sa pagpapa-unlad ng agrikultura at food security, at maging sa mga nais palakasin ang health care system ng bansa.

Sumunod naman sa listahan ng mga nais suportahan ng mga Pinoy ay mga kandidatong magsusulong para sa pagpaparami ng oportunidad sa trabaho at pantay na access sa edukasyon (parehong 89%).

Samantala, 88% ng mga Pinoy ang nagpahayag na boboto sila ng kandidatong titindig para karapatan ng mga manggagawa at kapakanan ng overseas Filipino workers (OFW); 83% ang para sa mga kandidatong uunahin ang pagpapababa ng kahirapan at gutom, at 81% naman para sa mga kandidatong kokontrol sa mga presyo ng basic goods at services.

National

‘Hindi nakita ang crescent moon’: Ramadan, magsisimula sa Marso 2

Ayon pa sa SWS, susuportahan din ng mga Pinoy ang mga kandidatong tutugon sa mga epekto ng climate change at magpapahusay sa disaster preparedness ng bansa (79%), dedepensa sa national security at soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) (77%), lalaban sa ilegal na droga (77%), at magsusulong ng energy security at paggamit ng renewable energy (75%).

Kasama rin daw sa mga iboboto ng mga Pinoy sa nalalapit na halalan ang mga kandidatong lalaban sa mga krimen na nambibiktima ng mga ordinaryong mamamayan tulad ng pagpatay, holdups, pagnanakaw, physical violence, at iba pa (72%), pupuksa sa graft and corruption sa gobyerno (70%), at magpapatibay ng batas laban sa political dynasties (63%).

Dagdag ng SWS, 53% ng mga Pinoy ang nagsabing iboboto nila ang kandidatong magsusulong ng patas ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte sa Senado.

Isinagawa ang naturang Stratbase-SWS National Survey mula Pebrero 15 hanggang 19, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 registered voters na may edad 18 pataas sa bansa: 300 sa Metro Manila, 900 sa Balance Luzon (o sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila, 300 sa Visayas, at 300 din sa Mindanao.

Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.