Inungkat ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro ang giit niyang "award" ni dating pangulong Rodrigo Duterte mula sa Organized Crime and Corruption Reporting Project matapos ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na may karapatan ang mga Pilipinong magalit sa gobyerno.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, Pebrero 27, hiningian si Castro ng reaksyon hinggil sa sinabi ni VP Sara sa isang indignation rally sa Cebu kamakailan ukol sa naturang pagpapakita ng galit ng mga Pinoy sa pamahalaan.
Ayon kay Castro, nakakalungkot daw ang pahayag ni VP Sara lalo na’t siya raw ang ikalawang pinakamataas na lider ng Pilipinas.
“Bakit naman ngayon lang? Mas marami rin naman pong nangyari sa panahon ng kaniyang ama,” giit niya.
MAKI-BALITA: Malacañang, inalmahan pahayag ni VP Sara na may karapatan mga Pinoy na magalit sa gov’t
Doon ay binanggit ni Castro ang nangyari noong 2017 kung saan kinilala ang ama ni VP Sara na si FPRRD “bilang most corrupt” ng Organized Crime and Corruption Reporting Project.
“Noong 2016 ay runner-up lang si Pangulo bilang most corrupt, siya ay kinilala ng Organized Crime and Corruption Reporting Project,” pagbabalik-tanaw ni Castro.
“Pero noong 2017 ay nag-level up si dating Pangulong Duterte at siya na po yung naging awardee at kinilala ng People of the Year being the most corrupt.”
“At inamin din naman po niya, sa statement ni Pangulong Duterte, na siya ay corrupt at siya ay nagnakaw pero naubos na nga lang. Natatandaan n’yo po ba yun? Because mayroon pa po ako dito na statement niya,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Castro ang hindi raw pagsasalita ni VP Sara noong si FPRRD pa lamang ang pangulo ng bansa.
“Yun ba ay hindi niya (VP Sara) man lang nasabi na dapat na merong karapatan ang taong magalit?” giit ng undersecretary ng PCO.
Habang sinusulat ito’y wala pang pahayag o reaksyon si VP Sara o si FPRRD sa naturang pahayag ng opisyal ng Malacañang.