“Bakit naman ngayon lang? Mas marami rin naman pong nangyari sa panahon ng kaniyang ama.”
Ito ang iginiit ni Presidential Communications Undersecretary Claire Castro nang almahan niya ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na may karapatan ang mga Pilipinong magalit sa pamahalaan.
Sa isang press briefing nitong Huwebes, Pebrero 27, sinabi ni Castro na nakakalungkot daw ang pahayag ni VP Sara sa isang indignation rally sa Cebu kamakailan, lalo na’t siya raw ang ikalawang pinakamataas na lider ng Pilipinas.
“Unang una, nakakalungkot po na mula sa pangalawang pinakamataas na lider ng bansa ay mukha pang nag-eencourage siya sa mga tao na magalit sa gobyerno,” ani Castro.
Ibinahagi ni PCO Usec. na hindi raw nagbigay ng reaksyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa naturang pahayag ng bise presidente.
“Noong nalaman po ito ng Pangulo ay wala po siyang naging reaksyon dito dahil hindi nga po ito dapat nanggagaling sa pangalawang pinakamataas na lider ng bansa,” ani Castro.
“Ang tanong lamang po, noong panahon ba ng kaniyang ama, nagsabi rin po ba siya na maaari po kayong magalit, lalong-lalo na po noong ang kaniyang ama ay nabansagan at nabigyan po at kinilala bilang most corrupt noong 2017?”
Binanggit din ni Casro na noong 2016 daw ay naging “running up” lamang ang ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang “most corrupt” mula sa Organized Crime and Corruption Reporting Project, ngunit “nag-level up” daw ang dating pangulo noong 2017.
“Noong 2017 ay nag-level up si dating Pangulong Duterte at siya na po yung naging awardee at kinilala ng People of the Year being the most corrupt,” ani Castro.
“At inamin din naman po niya, sa statement ni Pangulong Duterte, na siya ay corrupt at siya ay nagnakaw pero naubos na nga lang. Natatandaan n’yo po ba yun? Because mayroon pa po ako dito na statement niya.
“So ang tanong lamang natin, yun ba ay hindi niya (VP Sara) man lang nasabi na dapat na merong karapatan ang taong magalit?” saad pa niya.
Giit pa ng undersecretary ng PCO, hindi umano nagsalita si PBBM nang maging usap-usapan ang umano’y anomalya ni VP Sara sa panunungkulan niya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
“Wala po tayong nadinig sa Pangulo kahit ano pa ang naging diumanong anomalya ng DepEd sa pamumuno ni VP Sara, lalong-lalo na noong nasayang ang pondo sa mga pagkaing nabulok lang na intended sana sa mga estudyante, lalong lalo na sa mga maralitang estudyante,” aniya.
Sinabi rin ni Castro na mas mabuti umanong hikayatin na lamang ng bise presidente ang publiko na makipagtulungan sa pamahalaan.
“Mas maganda po sana kung siya ay mag-encourage sa mga tao na makipagtulungan na lang instead of having this feeling of hatred against the government. Mas maganda po na sabay-sabay sana tayong umangat kaysa sa may ibang tao na gusto magpabagsak ng gobyerno.”Nang tanungin naman na sinabi ng bise presidente ang kaniyang pahayag bilang bahagi ng “freedom of expression,” giit ni Castro: “Bakit naman ngayon lang? Mas marami rin naman pong nangyari sa panahon ng kaniyang ama.”