Arestado ang isang 20 taong gulang na lalaki na itinuturing umanong “most wanted” sa Rizal, matapos manghalay ng dalawang menor de edad sa mga nakalipas na taon.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Miyerkules, Pebrero 26, 2025, sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Fourth Judicial Region, Branch 72 sa Antipolo City, nasakote ang suspek sa kasagsagan ng manhunt operation na na ikinasa ng Tracker Team ng Antipolo Component City Police.
Batay umano sa naging imbestigasyon ng mga awtoridad, nanggaling ang reklamo sa huling biktima ng suspek na 13-anyos. Noong Oktubre 2024 raw nangyari ang panggagahasa ng suspek matapos makitulog sa kanilang bahay ang biktima.
"Natulog yung bata sa bahay nitong suspek, at doon nangyari yung rape. The next morning, nag-report itong bata sa kaniyang mga magulang, and yun nakapag-file ng kaso doon sa suspek," ani Police Colonel Felipe Maraggun.
Depense umano ng suspek, magkarelasyon daw sila ng biktima at inaming may nangyayari umano sa kanilang dalawa.
Samantala, dagdag pa ng pulisya, minsan na rin umanong naaresto ang suspek noong 2020 matapos umanong undayan ng saksak ang isang 10 taong gulang na batang lalaki at saka hinalay.
Nasa kustodiya na ng Antipolo Component City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong statutory rape with no bail.