Nakabalik na sa kaniyang mga magulang ang 14-anyos Chinese student na kinidnap noong nakaraang linggo, ayon sa mga awtoridad.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil noong Miyerkules, Pebrero 26, naibalik na sa kaniyang pamilya ang estudyante at dinala raw ito sa ospital para sa medical examination.
“The minor was brought to St. Luke’s Medical Center in Bonifacio Global City for a medical examination to ensure his well-being after he was safely recovered,” saad ni Marbil. Nilinaw din niya na wala raw binayarang ransom sa nangyaring kidnapping.
Pahayag ng PNP, ang lumilitaw na motibasyon ng kidnapping ay ang mga nakaraang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Base raw sa intelligence reports ng AKG, kasangkot umano ang isa sa mga miyembro ng pamilya ng kinidnap na estudyante sa POGO at high-stakes e-commerce dealings.
"No ransom was paid, reinforcing the PNP’s strong stance against any form of extortion or criminal activity," anang PNP.
Ayon naman kay PNP-PIO chief P/Col. Randulf Tuano, "Initially po ang isa sa miyembro ng pamilya dati pong involved sa business po ng POGO na kung saan ang pinag-uusapan po yata nila yung pagbabayad ng mga hindi nababayarang utang."
Ang nangyari raw na kidnapping ay isang "crime syndicate" lamang, saad ni DILG Secretary Jonvic Remulla.
Samantala, umabot na sa walo ang bilang ng nakikidnap mula noong Enero 2025.