Kasabay ng pagtatapos ng love month, ang tila pagbubukas naman ng programang bukas tumanggap ng mga pinaglumaang alalala ng mga relasyong nauna na ring namaalam.
‘Ika nga nila, hindi lahat ng relasyon ay sa simbahan ang kasal, dahil may mga pagmamahalaang tila kailangan ding matuldukan. Ito ang pinaghugutan ng kakaibang donation drive ng Caritas Manila— isa sa mga pinakamatatandang non-government organization (NGO) ng simbahang Katolika sa bansa.
Sa panayam ng media kay Fr. Anton Pascual, Executive Director ng Caritas Manila noong Martes, Pebrero 25, 2025, ibinahagi niya kung paano nagsimula ang kanilang konsepto sa paglulunsad ng nasabing “break-up box.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Ready to move on?' Isang charity, tumatanggap ng mga donasyon mula sa gamit ng 'ex-lover'
“Itong concept ng breakup box, kasi minsan, relationship that did not succeed... may mga gamit tayo na, kunwari binigay sa karelasyon mo at siya rin may ibinigay sa'yo. Eh yung iba kasi itinatapon or hindi na pinapansin. Kaya instead of throwing it away, we can move forward sa inyong relationship.And you can donate it,” saad ni Fr. Anton.
Inilahad din ni Fr. Anton kung kung ano ang gagawin nila sa mga makokolektang donasyon.
“If you can donate all these stuffs, unused items, pre-loved items, old items... Yung may mga halaga pa, pero hindi niyo na ginagamit, donate it to Caritas Manila and we sort it out, and we repair it and then we sell it. At yung napagbentahan niyan, ginagamit natin sa charity program,” ani Fr. Anton.
Ayon pa sa kaniya, tinatayang nasa 5,000 scholars daw ng Caritas Manila ang matutulungan nila mula sa iba't ibang panig ng bansa.
Bagama’t kalulunsad pa lamang ng nasabing programa, marami na raw ang tila ‘ready to move forward’ na. Marami-rami na raw silang natanggap na tawag na nagnanais na mag-donate ng "pre-loved items," literally at figuratively, mula sa kani-kanilang ex-partners.
“Experimental stage pa lang, I think mga isang linggo pa lang ito na sinusubukan, pero very positive ang response ng mga tao. Marami nang nagtatanong at mayroon ng mga donations from what I have heard,” saad ni Fr. Anton.
O ‘di ba? Hindi na lang sa isang sulok tuluyang mapaglilipasan ang gamit na minsan nang nagpakilig o nagpasaya. Dahil natapos man ang kwento ninyong magjowa, maaari pa ring magpatuloy ang kuwento ng mga gamit na naiwan n’yo sa pamamagitan ng pagpasok ng ibang karakter na makikinabang dito.
Sa kasalukuyan, may anim na outlets ang Caritas Manila sa pamamagitan ng Segunda Mana Charity na matatagpuan sa mga sumusunod:
- Gift Corner, 3rd Floor, Market Market, Taguig City
- Level 3, Farmer’s Plaza, Cubao, Quezon City
- 2nd Floor, Fairview Terraces, Quezon City
- Caritas Manila Compound, Manila
- Ground Floor, 500 Shaw, Mandaluyong City
- Riverbank Mall, Marikina City
- 3rd Floor, StarMall Edsa-Shaw, Mandaluyong City